Values Formation

VALUES  FORMATION  SEMINAR

Para Sa Mga Local Government Officials and Employees, Church Officials and Leaders, Law Enforcement Officers, Public School Teachers, Business People at Mga Magulang Tungo sa pagiging Makadiyos, Makatao, Makabayan at Makaklikasan

A Personal Word

Ang sigaw ng bayan ay Transformation. Ang sigaw ng gobyerno ay Values Formation. Naniniwala ang lahat ng mga tagapamuno ng  bayan sa kaisipan na hanggang hindi nagkakaroon ng values formation, hindi magkakaroon ng isang makabuluhang transformation. Tama! Sang-ayon ako! Subalit ang tanong ay ito: Kapag values formation ang pinag-usapan, ano ba talaga ang ibig sabihin ng values? At kaninong Set of Values ang ituturo sa bayan? Mga values ba ni Socrates, Plato o Aristotle? Mga values ba ng iba’t ibang mga western o eastern philosophers, tulad nila Immanuel Kant o Confucious?

Ipaliliwanag ng Seminar na ito ang isang comprehensibong plano na pinalolooban ng mga programa at materiales na kinakailangan para sa makabuluhang transpormasyon – para sa isang matagumpay na pagsusulong ng isang pambansang values formation movement tungo sa pagiging makadiyos, makatao, makabayan at makakalikasang lipunan.

Introduction

Ang ibig sabihin ng Values ay Pamantayan (Standards) o Mga Katangian (Qualities) na tinatanggap ng lipunan na karapat-dapat o kanais-nais na kaparaanan (means) o resulta (end). Samakatuwid, kapag Values ang pinag-usapan, ang sanga ng kaalamanan na sumasakop dito ay Ethics.

Ang salitang Ethics ay galing sa Grekong ethika, na galing sa ethos, ibig sabihin ay character. Ang Ethics ay mga prinsipyo o pamantayan ng pamumuhay (principles of human conduct) na itinuturing na moralidad. Nakatutok ito sa kung ano ang mabuti o masama at kung ano ang tama o mali patungkol: 1) sa mga pamamaraan na ginagamit ng tao upang makamtan ang kanyang naisin, 2) sa layunin ng kanyang pagkilos, at 3) sa motibo sa likuran ng layuning ito.

Through the centuries, marami nang mga philosophers ang nag-wrestling sa pag-define kung ano ang mabuti at ano ang tama. Sa kanilang pagbubuno, may mga karagdagang tanong ang mga sumulpot pa, tulad ng:

1. Likas ba sa tao na gumawa ng mabuti o kailangan siyang turuan? Nature o Nurture?

2. Ang isang gawa ba ay mabuti sapagkat ito ay katanggap-tanggap sa karamihan? Normal?

3. Ang isang gawa ba ay mabuti dahil sa mabuting layunin nito? Do ends justify means?

Halimbawa, ang pagnanakaw. Ok ba na magnakaw dahil tayo ay tao lamang? Ok ba na magnakaw kasi lahat naman tayo ay nagnanakaw? Ok ba na magnakaw kasi para naman ito sa pagkain ng mga anak kong mamamatay na sa gutom?

Pagdating naman sa motibo, ano ba ang mabuti at tamang motibo sa pagkilos o paggawa natin? Sa paksang ito, mayroon ding tatlong bagay na katanggap-tanggap na tamang motibo sa mga philosophers:

1. Ito ang ating kaligayahan o kasiyahan (happiness or pleasure)

2. Ito ay ating katungkulan, obligasyon o responsibilidad (duty, obligation or responsibility)

3. Ito ang magbibigay kabuluhan o saysay sa ating buhay (meaning or fulfillment)

Ang gumugulo sa isip ng ating mga kababayan ay, Sino ba ang paniniwalaan ko tungkol sa mga bagay na ito?

Tulad din ng ibang mga lahi, may tatlong awtoridad ang nag-aagawan sa isip ng mga Pilipino patungkol sa values:

1. Mga pahayag ng Diyos (God’s revelation)

2. Dikta ng kalikasan ng tao (human nature or instincts)

3. Dikta ng katuwiran ng tao (human reason)

Halimbawa, sa issue ng corruption sa ating gobyerno. Tama lang ba na magpatong ng commission sa mga foreign loans na makukuha para sa benepisyo ng bayan? At gaano kalaking porsyento ang tama? Ayon sa mga pahayag ng Diyos, ito ba ay tama? Ayon sa human nature, ito ba ay tama? Ayon sa human reason, ito ba ay tama? Sino ang may huling salita tungkol sa bagay na ito?

Maraming bagay pa ang nagbibigay stress sa ating mga puso’t isipan. Kailan pa natin uupuan at pag-uusapan ang pangangailangan ng isang value system na magiging katanggap-tanggap sa bayan? Ang mga ganitong mga katanungan ang nararapat pag-usapan ng mga mamamayan, ngayon na, habang hindi pa huli ang lahat at para sa magandang kinabukasan ng ating mga anak at apo.

Sa seminar na ito, magkakaroon tayo ng pagkakataon na pigain ang ating utak upang ating mapagtanto ang nilalaman ng ating existing value system. Mayroong 5 bahagi ang seminar na ito:

1.  Ang Pagiging Makadiyos

2. Ang Pagiging Makatao

3. Ang Pagiging Makabayan

4. Ang Pagiging Makakalikasan

5. Ang Pagsasagawa ng Values Formation

Unang Bahagi.  Ang Pagiging Makadiyos

Halos lahat ng mga Pilipino ay naniniwala that God exists at Siya ang creator ng universe. Bagamat ang ating mga ninuno ay naniwala na ang Diyos ay nasa lahat ng bagay –  kaya naman ang anito na matapos hubugin ng kanilang kamay ay kanilang sasambahin – ang paniniwala sa Creator God na ihinayag ng Bibliya ay bunga ng Christian religion na dala ng mga Catolicong Kastila noong 1565 at inayunan ng mga Protestanteng Americano simula 1902. Subalit bago pa man dumating ang mga Kastila, ang mga inhabitants ng mga pulong Pilipinas, tulad ng mga Moro, ay naniwala rin sa isang Creator God. Samakatuwid, ang paniniwala sa isang Creator God ay matagal nang tanggap ng mga Pilipino.

Para sa karamihan ng ating mga kababayan hindi na kailangang isip-isipin at pag-usapan pa ang mga bagay-bagay patungkol sa Diyos dahil ang religion is a matter of faith. Ang lahat ng bagay na kanilang pinaniniwalaan tungkol sa Diyos at sa ibang bahagi ng kanilang relihiyon ay tinatanggap nila nang walang tanong-tanong; sapat na para sa kanila na ito ay itinuro ng kanilang religious leader.

Para naman sa mahilig mag-isip, mayroong intellectual arguments ang kaagapay ng kanilang pananampalataya. Halimbawa, alam nila ang ontological argument na sumusuporta sa belief in the existence of God ni St. Anselm of Canterbury (1033-1109) – – ang idea na mayroong being na wala nang maisip na mas hihigit o mas perfect pa. Para sa kanya, hindi natin kakayanin na isipin na walang greatest o perfect being. Alam din ng mga mapag-isip na Pilipino ang mga arguments ni St.  Thomas Aquinas (1225-1274) to demonstrate God’s existence: a) mula sa motion papunta sa Unmoved Mover, b) mula sa mga effects papunta sa First Cause, c) mula sa contingent being papunta sa Necessary Being, d) mula sa degrees of perfection papunta sa Most Perfect Being, at e) mula sa design in nature papunta sa Designer of Nature. Sa likuran ng mga argumentong ito ay ang premise na lahat ng finite, changing beings ay nangangailangan ng cause outside itself.

At para naman sa nalalabi nating mga relihiyosong kababayan, ang kanilang paniniwala sa Diyos ay resulta ng kanilang karanasan. Nakasaksi sila, halimbawa, na sa kanilang palagay ay isang himala. O kaya naman ay feel na feel nila ang presensya ng Diyos.

Ang tanong ay ito: Paano natin malalaman na ang isang Pilipino ay makadiyos? At sino ang makapagsasabi na ang pang-unawa nga natin sa pagiging makadiyos ay tama?

Bago natin masagot ang mga tanong na ito, kinakailangan muna nating suriin pa ang ibig sabihin ng faith in God ng mga Pilipino at ang relasyon nito sa reason.

Ang sabi ni St. Augustine (354-430) ay ganito: Authority demands belief and prepares man for reason. Reason leads to understanding and knowledge. Samakatuwid, walang magiging bisa ang awtoridad kung ito ay hindi pananaligan ng tao, at walang makapaghahanda sa  tao upang matutong mangatuwiran kung walang awtoridad. At kung wala namang pangangatuwiran hindi magkakaroon ng pang-unawa at kaalaman ang tao.

At ang sabi pa niya ay ito: But reason is not entirely absent from  authority, for we have got to consider whom we have to believe . . . It is our duty to consider what men or books we are to believe in order that we may rightly worship God. Kaya nga, katungkulan natin na isipin kung sinong tao o anong mga katuruan ang ating paniniwalaan upang maging tama ang ating pagsamba sa Diyos. Hindi naman ibig sabihin ni Augustine na ang pananampalataya ay bunga ng pangangatuwiran or that reason produces faith kundi ang sinasabi niya ay to believe that faith preceeds reason is in itself a reasonable thing.

Samakatuwid, sa ating pag-aaral ng pagiging makadiyos in particular at sa values formation in general ay nararapat na gamitan natin ng reason o pangangatuwiran. Bagamat sa paglubog ng araw, kailangan pa rin natin na paniwalaan, pagtiwalaan at panindigan ang resulta ng ating pangangatuwiran bilang bahagi na ng ating kaisipan, at hindi ito mananatiling kuro-kuro o opinion lamang.

Kung ang nais natin ay maging makadiyos, una sa lahat, kinakailangan nating malaman ang mga katangian ng Diyos na maaaring makita sa ating buhay. Sa paksang ito, isasa-alang-alang natin ang  dalawang uri ng katangian ng Diyos – ang hindi kayang unawain at ang kayang unawain ng tao.

Ang Diyos ay transcendent. Siya ay lampas pa sa pinakamataas at pinakamalalim na pang-unawa ng tao. Siya ay lampas pa sa limitasyon ng space, time at human thought. May mga katangian ang Diyos na hindi natin kayang arukin tulad halimbawa ng Kanyang pagiging eternal (walang simula at walang katapusan), infinite (walang hang-ganan), omnipotent (walang hanggang kapangyarihan), ominiscient (walang hanggang kaalamanan), omnipresent (walang hanggang presensya), immutable (walang pagbabago), independent o self-sufficient (walang pangangailangan). Ang mga katangiang ito ay lampas pa sa ating imagination.

Bagamat ang Diyos ay transcendent, Ang Diyos ay immanent din. Siya ay nananahan sa limitasyon ng space, time and human thought. Ibig sabihin, nakaka-relate tayo sa Kanya sa pamamagitan ng mga katangiang taglay niya na mayroon tayong pang-unawa.

Ang tanong ngayon ay ito: Ang binanggit nga bang dalawang uri ng katangian ng Diyos – ang hindi kayang unawain at ang kayang unawain ng tao – ay totoo? Sino nga ba ang makapagsasabi?

Patungkol sa bagay na ito, walang hindi pagkakasunduan ang mga Pilipino maging ang kanilang pananampalataya ay base sa awtoridad ng simbahan, sa pangangatuwiran o sa karanasan man sapagkat ang mga makadiyos na katangiang ito ay kapanipaniwala at ayon din naman sa katuwiran o tamang pag-iisip.

Kahit pa sabihin ng mga deists na ang Diyos ay parang watchmaker na matapos niyang mabuo ang relo, ito ay kanyang sinusian at pagkatapos ay iniwan upang tumakbo nang kanya – – kahit pa sabihin ng mga Kantians na ang Diyos ay unknowable, na hindi siya maaaring makilala o maunawaan – – maniniwala pa rin ang mga Pilipino na ang Diyos ay hindi impersonal at Siya ay knowable dahil sa kanilang paniniwala kay Jesu Cristo.

Dahil sa paniniwala ng mga Pilipino kay Cristo, tanggap nila na ang ultimong awtoridad pagdating sa values o moralidad ay ang Diyos. At ang Diyos na ito ay nagpahayag ng Kanyang sarili, kalooban at layunin. Samakatuwid, Siya ay hands-on sa Kanyang pakikitungo sa tao at sa sangnilikha sa pamamagitan ng providence, Siya ay knowable, at Siya ay personal.

Tanggap ng mga Pilipino ang sukatan sa pagiging makadiyos na inilatag ng Panginoon noong panahon pa man ni Moses: Ang Sampung Utos. Tanggap din nila na ang bunga ng Banal na Espiritu sa buhay ng mga nagtitiwala kay Cristo (na ihinayag ng Banal na Kasulatan) ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, kapasensiyahan, kabutihan, kabaitan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili.

Sinumatotal ni Cristo ang Sampung Utos sa dalawang prinsipyo ng buhay: a) mahalin mo ang Diyos ng buong puso, isip, kaluluwa at lakas, b) mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili. At sinabi rin Niya ito: Kung Ako ay mahal mo, sumunod ka sa pinag-uutos ko.

Sa pagsasalansan ng mga katuruan ni Cristo na humahapyaw sa pagiging makadiyos, lumalabas na ang pagiging makadiyos, una sa lahat, ay pagiging masunurin sa Sampung Utos na humahantong sa pagiging maibigin, masayahin, mapayapa, pasensiyoso, mabuti, mabait, matapat, mahinahon at mapagpigil-sa-sarili. At bunga ng mga katangiang ito ay iba pang makadiyos na katangian tulad ng pagiging mapagbigay, mahabagin, at mapagpatawad. Ang kabaliktaran naman  ng mga katangiang ito, na masasabi nating mga katangiang anti-Cristo dahil salungat sa Kanyang katuruan, ay ang mga sumusunod: mapuotin, malungkutin, magulo o maligalig, madaling magalit,  masama, malupit, may kataksilan, mabagsik, pabigla-bigla, at mapagtanim o hindi marunong magpatawad.

Sa pagsusuma, makikilala natin ang isang makadiyos na Pilipino  sapagkat siya ay:

1. Nagmamahal sa Diyos at sumasamba sa Kanya at hindi kung kani-kaninong diyos-diyosan lamang.

2. Hindi niya binabastos ang pangalan ng Diyos.

3. Ginagalang niya ang kanyang ama’t ina.

4. Hindi siya mamamatay-tao.

5. Tapat siya sa kanyang asawa’t mga anak.

6. Hindi siya magnanakaw o mangungurakot.

7. Hindi siya sinungaling.

8. Hindi siya naiinggit sa pag-aari ng kanyang mga kamag-anak, kaibigan, o kapit-bahay.

9. Siya ay mapagmahal sa kapwa at hindi mapootin.

10. Siya ay masayahin at hindi malungkutin.

11. Siya ay payapa at hindi magulo o maligalig.

12. Siya ay pasensiyoso at hindi madaling magalit.

13. Siya ay mabuti at hindi masamang tao.

14. Siya ay mabait at hindi suplado o malupit.

15. Siya ay matapat at hindi traydor.

16. Siya ay mahinahon at hindi pabigla-bigla.

17. Siya ay mapagpigil sa sarili at hindi kung ano na lamang ang maisipan o maramdaman.

Ikalawang Bahagi:  Ang Pagiging Makatao

Ang aborigines ng Pilipinas ay tinataguriang Negritos. Marami ang naniniwala na noong unang panahon may mga Taiwanese aborigines ang nagmigrate sa Pilipinas, dala nila ang kanilang karunungan sa agriculture at ocean-sailing. Habang sila ay dumadami, kumokonti naman ang mga Negritos. Pagkatapos ay dumating naman ang mga Indonesians, Malays, Inchik kasunod na ang mga Kastila tapos ay mga Americano. Kaya naman, iba’t iba ang physical features ng mga Pilipino dahil sa dami ng clase ng dugo na dumadaloy sa kanyang mga ugat.

Mahirap magmahal sa kapwa. Wala sa kalikasan ng tao ang magmahal sa kapwa. Ang kalikasan niya ay mahalin ang kanyang sarili. Kaya nga kinakailangan pang ipag-utos ni Cristo na mahalin natin ang ating kapwa tulad nang pagmamahal natin sa ating sarili. Ang pagmamahal sa kapwa ang nagpapatunay na mahal natin ang Diyos at nais natin na bigyan Siya ng kasiyahan sa pamamagitan nang pagsunod sa Kanyang pinag-uutos. Dito natin malalaman ang tunay at dalisay na motibo sa kabila ng pagmamahal sa kapwa, na ito ay ginagawa natin sapagkat mahal natin ang Diyos.

Subalit, makakaya pa rin naman nating mahalin ang ating kapwa maski hindi natin mahal ang Diyos at hindi natin gustong sundin Siya. Ang motibong ito ay may kinalalaman sa ganansya o pakinabang. Halimbawa: 1) May nagawa tayong kasalanan at nais nating mapag-takluban o mabayaran ito, 2) Mayroon tayong pinahahangang tao, 3) Baka tayo ay suwertihin dahil sa paggawa ng mabuti, 4) Para tayo ay hangaan ng tao at nang sa ganoon, tangkilikin nila ang ating produkto. Ito ang tinatawag nating pakitang-tao. Sooner or later, nabibisto ito ng madla.

Natural sa atin ang mahilig tumingin sa panlabas na anyo, kahit sa ating sarili. Pansinin lang natin kung gaano tayo katagal humarap sa salamin, magsuklay ng buhok, eksaminin ang ating suot na damit. At ang mga dalaga, gaano katagal ang pagpipinta ng mukha? Gusto kasi natin ang dating mayaman, successful o attractive. Kung sa iyo namang akala ay wala ka talagang dating, dahil wala kang panggastos, malamang na, na mababa ang iyong pagtingin sa sarili. Ito ay nauuwi sa pagiging kimi o pagkakaroon ng inferiority complex. Kung ikaw naman ay mayaman, ang pagtingin mo sa iyong sarili ay superior ka na sa iba at sa iyong palagay ay dapat kang bigyan ng atensyon kung hindi man hangaan. Ang mga magaganda ang bihis ay agad-agad binibigyang   pansin at inaasikaso saan man siya pumasok. Kapag alam ng bank  manager na ikaw ay mayaman, binibigyan ka ng special treatment. Sinasabi natin na ang mga taong ganito ay may dating, may dignidad. Kaya mas madali natin silang “mahalin” at hindi tulad ng iba diyan na wala man lamang kadigni-dignidad.

Ang sinabi patungkol sa pagkatao ni Cristo ay ganito: Wala Siyang kagandahan o kamaharlikahan na mag-aakit sa atin. Walang kaanyuan upang Siya ay ating naisin. Ang dignidad ni Cristo ay wala sa pisikal o materyal na bagay kundi nasa kanyang kalooban. Hindi  nakabase ang dignidad ng tao sa kung ano ang estado niya sa buhay, kung mayaman man siya o mahirap, maganda man siya o hindi, matalino man siya o mangmang.

Ang tanong ay ito: Ano ang basehan ng pagkakaroon ng dignidad ng tao? Masasabi ba natin na ang isang tao ay may dignidad dahil sa kanyang angking talino? Dahil siya ay mayaman? Dahil siya ay sikat? O dahil sa kanyang kaakit-akit na pisikal na anyo? Paano nga ba nag-karoon ng dignidad ang tao?

Tulad nang nasabi na, mahirap magmahal sa kapwa lalong-lalo na kung siya ay walang kadating-dating. Subalit mayroong mga bagay patungkol sa tao na makatutulong sa atin upang siya ay matutuhang mahalin.

Una, ang tao ay may dignidad sapagkat siya ay nilikha ng Diyos na kalarawan Niya. Kahanga-hanga at buong ingat ang paglikha Niya sa tao. Ang tao ay makapaglalarawan ng karunungan, katuwiran at kabanalan ng Diyos. Kabilang sa mga tinanggap niyang biyaya mula sa kanyang Maylikha ay ang makaranas ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, katapatan, kahinahunan at pagtitimpi sa sarili. Pinagkalooban din siya ng talino, damdamin at kakayahang magpasiya.

Samakatuwid, sapat nang malaman ng tao na siya ay nilikha na kalarawan ng Diyos upang siya ay magkaroon ng dignidad sa kanyang sarili. Alamin natin na tayo ay pare-parehong may dignidad, walang nakalalamang sa atin sa bagay na ito. Ang Pilipinong makatao ay may paggalang sa lahat ng tao, sila man ay mayaman o mahirap, maganda o hindi, sikat man o ordinaryo.

Ikalawa, ang lahat ng tao ay hindi lamang nilikhang kalarawan ng Diyos kundi nilikhang malaya ngunit may pananagutan. Kakaiba ang tao sapagkat binigyan siya ng mandato ng Diyos – ang lumikha ng isang sibilisasyon na magbibigay puri sa Diyos at siya ay binigyan ng Diyos ng kalayaang pumili. Sa Hardin ng Eden, ang kalayaang ito ay tinanggap nila nang sabihin ng Diyos na makapamimili sila ng prutas na makakain mula sa lahat ng punongkahoy sa hardin maliban lang sa isang pinagbawal na puno. Ito ang kalakip na pananagutan ng kalayaang ipinagkaloob ng Diyos sa tao. Ang kalayaan ng tao o ang kanyang kakayahang pumili ay hindi nangangahulugan na maaari na siyang gumawa ng sariling batas na sasakop sa kanyang buhay nang walang pananagutan sa Diyos. Alamin natin na lahat tayo ay may kalayaan ngunit may pananagutan. Ang Pilipinong makatao ay hindi gumagamit ng kalayaan upang abusuhin ang kapwa, bagkos siya ay handang managot sa kanyang mga responsibilidad sa buhay at hindi niya ito ipinapasa sa iba.

Ikatlo, ang lahat ng tao ay makasalanan. Pare-pareho tayong nagkakasala. Walang nakalalamang pagdating sa bagay na ito. Ang sabi sa Bibliya kapag sinuway mo ang isang utos para mo na ring sinuway ang lahat. Ibig sabihin, wala sa ating perfect at perfect lamang ang nakakalamang. Ang makataong Pilipino ay hindi mapagmataas na parang walang sala.

Ika-apat, ang lahat ng tao ay tinatawag ng Diyos tungo sa kapatawaran at hindi Niya kalooban na mayroong mapahamak nang tuluyan. Na naman, pare-pareho ang tao pagdating sa bagay na ito. Pare-pareho tayong may pagkakataon na magsisi sa ating mga kasalanan at makasumpong ng kaligtasan. Sa bagay na ito walang mayaman, walang mahirap. Walang matalino, walang mangmang. Walang palakasan. Walang cone-coneksyon. Ang makataong Pilipino ay marunong humingi ng kapatawaran at hindi mapaghusga ng kapwa; alam niya na ang sino mang nagsisisi ay tumatanggap ng patawad sa Diyos.

Hindi sana tunay na mahirap magmahal ng kapwa, kung nau-unawaan lamang sana natin na sa mata ng Diyos tayo ay pantay-pantay. Subalit tayong mga Pilipino ay walang pananaw na ganito.

Pagmasdan natin ang ating paligid kung anong claseng value system o ugali mayroon ang karamihan sa atin sa kasalukuyan: Crab mentality, unahan nang unahan, ayaw palalamang; walang pakialam kung nakapeperhuwisyo sa ibang tao makamtan lamang nila ang kanilang naisin; walang pakundangan sa pagsuway sa batas; kanya-kanyang langoy; bahala ka sa buhay mo. Kaya naman hindi tayo dapat magtaka kung bakit sobra pa sa kalahati ng buong sambayanang Pilipino ay mahirap at ang ilan ay super-yaman. At mayaman man o mahirap, para bagang wala silang paggalang sa karapatan ng iba. Ang masaklap na katotohanan ay napakarami sa ating mga kababayan ang namumuhay na parang walang Diyos na nagmamasid sa kanila. O kaya naman ay nabrainwash na nila ang kanilang sarili na kaya nilang utuin ang kanilang Diyos o OK lang sa Diyos ang clase ng kanilang pamumuhay kahit wala silang pakialam sa Kanyang mga batas. Ang Pilipinong makatao ay gumagalang sa batas ng Diyos, sa batas ng bayan at sa karapatan ng iba na makapamuhay ng mapayapa.

Dahil sa iba’t ibang nasyon at lahi ang sumakop sa ating bansa, ang mga Pinoy ay nagkaroon ng identity crisis. Nagkaroon ng iba’t ibang paniniwala dahil sa mga kung ano-anong relihiyon at pilosopiya ang pumasok sa ating bansa na humalo sa mga paniniwala ng ating mga aborigines. Kaya nga may kanya-kanyang haka-haka at kuro-kuro sa maraming bagay ang mga Pilipino na wala namang tamang basehan. At ito ay nauuwi sa sisihan nang sisihan at hindi pag-amin ng kasalanan. Laging iba ang may sala.

Ang ating gobyerno ay laging sinisisi ng mga squatters sa ating bansa sa kanilang abang kalagayan. Hindi naman sinabi ng gobyerno na magsipunta sila sa Maynila at doon sila manirahan. Kapag mayroong nasagasaang bata sa kalye, ang laging sisisihin ay ang driver. Bakit hindi sisihin ang pabayang magulang sa ganitong sitwasyon? Kapag may   motoristang bumangga sa mga harang sa highway, ang laging sinisisi ay ang MMDA. Mangyayari kaya iyon kung siya ay nag-iingat sa pagmamaneho?

Ganyan ang mga tao lalo na tayong mga Pilipino. Hirap na hirap umako ng personal na responsibilidad. Ang lagi na lamang naririnig sa atin kapag may pumalpak na gawain ay, Ikaw kasi.

At isa pang issue – hindi magiging exciting ang buhay Pinoy kung walang pag-uusapang buhay ng ibang tao, kilala man niya ang taong ito o ito ay isang celebrity. Chika-chika kung tawagin ngunit sa katunayan ito ay tsismis! Siraan nang siraan ang maririnig natin sa mga usapan. Kung may sama ng loob sa isang kasamahan, imbes na sabihin ng derecho sa kinauukulan, ikukuwento muna ni Pinoy kung kani-kanino hanggang sa ang problema ay lumaki at lumala pa. Ang Pilipinong makatao ay marunong magsalita nang harapan at hindi chikador at naninira ng reputasyon ng ibang tao.

Sa pagsusuma, makikilala natin ang isang makataong Pilipino sapagkat siya ay:

1. May paggalang sa lahat ng tao, sila man ay mayaman o mahirap, maganda o hindi, sikat man o ordinary.

2. Hindi gumagamit ng kalayaan upang abusuhin ang kapwa, bagkos siya ay handang managot sa kanyang mga respon-sibilidad sa buhay at hindi niya ito ipinapasa sa iba.

3. Hindi mapagmataas na parang walang sala.

4. Marunong humingi ng kapatawaran at hindi mapaghusga ng kapwa; alam niya na ang sino mang nagsisisi ay tumatanggap ng kapatawaran sa Diyos.

5. Gumagalang sa batas ng Diyos, sa batas ng bayan at sa karapatan ng iba na makapamuhay ng mapayapa.

6. Hindi pinaiiral ang crab mentality.

7. Hindi naninira ng reputasyon ng iba.

8. Hindi pinagmumulan ng mga tsismis.

Ikatlong Bahagi: Ang Pagiging Makabayan

Ang populasyon ngayon ng Pilipinas ay mga 92 milyon. Tayo ang 12th most populous country sa buong mundo. Kung idagdag pa dito ang 11 milyon na mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa eh, di 103 milyon na tayo. 28.1% sa atin ay Tagalog, 13.1% ay Cebuano, 9% ay Ilocano, 7.6% ay Bisaya, 7.5% ay Hiligaynon Ilonggo, 6% ay Bicol, 3.4% ay Waray, at 25.3% ay mula sa iba’t ibang ethnic groups kasama na dito ang Igorot, Lumad, Mangyan, Badjao, Manobo, Bogobo, Baluga at Aeta.

Dahil sa pagkakaiba ng ating ethnicity at salita, parang napakahirap maging makabayan. At mayroon pang ibang factors na naghihiwalay sa atin. Tayong mga Pilipino ay naninirahan sa tatlong island groups: Luzon, Visayas at Mindanao na nahahati sa 17 regions, 80 provinces, 138 cities, 1,495 municipalities, at 42,025 barangays.

Ang taong makadiyos ay magmamahal sa kanyang kapwa. Slowly but surely, siya ay magiging makatao at ito ang magtutulak sa kanya upang mahalin niya ang kanyang bayan. Ang Pilipinong makadiyos ay magiging makapilipino. Ang prosesong ito ay natural na mangyayari sa kanya sapagkat ito ay bahagi na ng plano ng Diyos sa kanyang buhay; tulad ni Cristo na nag-alay ng Kanyang sarili alang-alang sa Kanyang bayan, upang sila ay maligtas sa kanilang kasalanan. At ang bayan ni Cristo ay hindi lamang Hudyo kundi mga taong kabilang sa iba’t ibang wika, nasyon at tribo. Subalit, ano nga ba ang ibig sabihin ng pagiging makabayan?

Ang pagmamahal sa bayan, una sa lahat, ay may kinalaman sa pagpapasakop natin sa awtoridad kung saan tayo ay nakapailalim. Ang pagiging makadiyos ay pagkilala sa awtoridad at batas ng Diyos. Subalit tandaan natin na mayroong dalawang uri ng awtoridad. Ang una ay yaong ipinagkaloob – katulad nang iginawad ng Diyos Ama kay Cristo Jesus. Sinabi ni Jesus, Ibinigay na sa Akin ang kapamahalaan sa langit at sa lupa. Ang pangalawa ay yaong inagaw – katulad ng ginawa ni Lucifer nang tangkain niyang sakupin ang pamamahala ng Diyos sa sansinukob at pangunahan ang ibang mga anghel sa pagrerebelde laban sa Diyos. Hindi natin dapat sundin ang mga may gustong mang-agaw ng awtoridad ng may awtoridad.

Si Jesus na may kapamahalaan sa buong sansinukob ay nag-delegate ng pamamahala at awtoridad sa tatlong institution ng lipunan: ang tahanan, ang simbahan at ang gobyerno. Kaakibat ng awtoridad na ito ay ang malaking responsibilidad. Hindi maaari na ang awtoridad ay walang kalakip na responsibilidad. Ang mga nasa positions of authority na hindi nagsasakatuparan ng kanilang mga responsibilidad para sa ikabubuti ng mga nakapailalim sa kanilang kapamahalaan ay nag-iimbita ng kaguluhan. Ang makabayang Pilipino ay sumusunod sa  batas ng Diyos, sa batas ng bayan at maging sa mga ordinansiya ng barangay.

Sa tahanan, ang mga magulang ay binigyan ng awtoridad upang pamahalaan nang maayos ang kanilang sambahayan. Ang lalaki ang pangulo ng kanyang asawa gaya ni Cristo na Siyang ulo ng iglesya na Kanyang katawan. Dahil matriarchal ang culturang Pilipino, kadalasan ay ipinauubaya ng mga kalalakihan ang pagpapatakbo ng tahanan sa mga kababaihan. Ang tawag ni mister kay misis ay commander. O kaya naman, si mister ang hari, subalit si misis ang alas. Pagdating sa pagdedesisyon sa loob ng tahanan, si misis ang may huling salita. Ang karaniwang dahilan ng mga mister ay para maiwasan ang gulo o pagtatalo sa loob ng bahay. Subalit iyon nga kaya ang tunay na dahilan? O baka naman excuse lamang nila iyon upang maiwasan nila ang responsibilidad ng pagdedesisyon patungkol sa mahihirap na bagay. Nang sa ganoon, hindi sila ang masisisi kung sakaling pumalpak ang naturang desisyon. Tulad ni Adan, nuong una pa man, ay si Eba ang sinisi sa nagawa niyang kasalanan. Ang Pilipinong makabayan ay hindi takot manindigan. Nalalaman niya na ang pagpapalakas ng pamilya ang simula ng pagpapalakas ng bayan. Handa siyang mag-pagal at magsakripisyo para sa ikatatatag ng kanyang pamilya.

Ang utos ng Diyos sa mga ama ng tahanan ay ito: Ang mga kautusan na ibinigay Ko sa inyo ay dapat ninyong isapuso at ipako sa isipan ng inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag kayo’y nakaupo sa loob ng tahanan, kapag kayo ay naglalakad, kapag kayo ay nakahimlay at kapag kayo ay bumabangon. Ang utos na ito ay may kinalalaman sa responsibilidad ng magulang na turuan, sanayin at ihanda sa kinabukasan ang kanilang mga anak upang sila ay lumaking mga productive citizens ng ating bansa.

Nauunawan ng isang makabayang Pilipino na ang ama at ina ng tahanan ang primary values educators ng kanilang mga anak. Sila ang dapat pangunahing guro sa pagtuturo ng mabuting asal sa kanilang mga anak at hindi ang public, private o Sunday school. Ang pagtatatag ng pamilya ay nagsisimula sa pag-aaral at pagtuturo ng tamang pananaw sa buhay at mundo. Ang tamang pag-unawa sa kahulugan ng kung ano ang totoo, mabuti at tama ang naglalaan ng matibay na sandigan sa buhay ng tao.

Dahil sa mahirap makakita ng magandang trabaho at sapat na suweldo dito sa ating bayan, milyon na sa ating mga kababayan ang  namamasukan sa ibang bansa o sa mga iba’t ibang claseng barko. Milyon-milyong mga anak ang walang ama o walang ina sa mahabang panahon at walang nagtuturo sa kanila ng values. Ang tanong ay ito: Paano magagampanan ng mga magulang ang utos ng Diyos na turuan nila ang kanilang mga anak kung sila ay nasa malayong lugar? Ano ang naghihintay na kinabukasan para sa mga batang ito? Bagamat totoo na kung hindi dahil sa mga pinapadalang pera ng ating mga OFWs, matagal nang lumubog ang economiya ng bayan at marami na ang mga nangamatay sa gutom. Subalit, dapat din nating alalahanin na matapos nang napakahabang panahon ng panunungkulan sa ibang bansa, pag-uwi ng karamihang OFWs ay problema pa rin sa pera at pamilya ang kanilang haharapin.

Sa mga relocation areas, mapagmamasdan natin ang mga eksenang kung saan ang mga magulang, babae man o lalaki, ay nagkukumpulan para magsugal. O kaya nama’y mga kalalakihan na nag-iinuman sa   kalsada. Mayroong perang pang-sugal o pang-inom ngunit walang pera para maipadala sa eskuwelahan ang mga anak. Anong klaseng value system ang ipinamumulat ng mga magulang na ito sa kanilang mga anak? Paano magiging kapaki-pakinabang ang buhay nila sa kanilang barangay?

Nobenta por siyento sa mga Pilipino ang nagsasabing sila ay Cristiano. Alam natin na ang relihiyong Cristianismo ay may taglay na value system. Subalit ang mapagmamasdan natin sa ating mga kababayan na nagsasabing sila ay Cristiano ay walang alam patungkol sa pilosopiya ng buhay na ipinangaral ni Cristo na masusumpungan sa Bagong Tipan, at kung sila man ay may nalalaman, wala naman silang pagpapahalaga dito. Ang sabi ni Archbishop Lagdameo ay ito: Ang simbahang Catolico sa Pilipinas ay bigo sa pagtuturo ng values ni Cristo. At dahil sa hindi nagtatagumpay ang Iglesya sa pagpapalaganap ng values ni Cristo, kinailangan pa na mag-issue ng executive order ang dating pangulong GMA na ituro ang values na dinala ni Jesus dito sa mundo. Samaka-tuwid, tunay na hindi pa natututuhan ng ating mga kababayan kung ano nga ba ang mga values ni Cristo. Ang resulta nang pagiging mangmang patungkol sa pananaw sa buhay at mundo na ipinangaral ni Cristo ay ang napagmamasdan nating clase ng pamumuhay dito sa ating bayan. Sa mga tahanan, sa mga lansangan, sa simbahan man o sa gobyerno ang napagmamasdan o nababalitaan natin ay puro na lamang pagsuway sa utos ng Diyos. Ang makabayang Pilipino ay marunong sumunod sa utos ng Diyos.

Sa institusyon naman ng Simbahan, may mga mapag-aalaman tayong mga church leaders na abusado. Ang nais nila ay sila ang pinag-lilingkuran. Subalit ang sinabi ni Cristo ay ganito: Siya ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang Kanyang buhay bilang pantubos sa marami.

Ayon sa values ni Cristo, responsibilidad ng iglesya ang pagpapakain sa mga nagugutom, ang pagbibigay ng tubig sa mga nauuhaw, ang paglalaan ng mahihimlayan sa mga walang matirhan, ang pagdadamit sa mga gusgusin, ang pagbibisita sa mga may sakit at nasasa kulungan. Subalit sa ating panahon, ang mga ito ay ginagampanan ng gobyerno, by default. Ang makabayang Pilipino ay mapagkawang-gawa. Sa ating panahon, nararapat na siguruhin ng mga church leaders na naihahanda nila ang kanilang mga miyembro sa pagiging asin at ilaw ng kani-kanilang communidad at hindi iaasa na lamang ang gawaing ito sa gobyerno.

Ang Estado naman ay ang institusyon na may responsibilidad sa pamamahala ng sambayanan. Ang mga tungkulin ng gobyerno ay  ang mga sumusunod:

1) Pagtatanggol ng buhay at ari-arian ng mga mamamayan,

2)  Pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa, at

3) Pagtataguyod ng kasaganaan ng mga mamamayan, kasama na rito ang pangangalaga ng kalikasan at pagtatanggol ng karapatan ng mga ordinaryong manggagawa laban sa mga mapagsamantalang negosyante.

Itinuturo ng Bibliya na inaarmasan ng Diyos ang mga gobyerno upang maisakatuparan nila ang kanilang mga tungkulin. Kaya nga mayroon tayo dito sa Pilipinas na mga mambabatas (legislative branch), taga-approve ng mga batas na isinasagawa ng congreso at taga-enforce ng mga batas na ito (executive branch), at taga-interpret ng batas kung ito ay sang-ayon sa constitusyon ng bayan (judiciary branch).

Ang legislative branch ay bicameral o may dalawang camara. Ang Senado ay naglilingkod bilang upper house at ang House of Represent-atives bilang lower house. Ang termino ng senador ay 6 na taon at ang congressman naman ay 3 na taon. Kasama sa gawain ng legislative branch ang magsaayos ng mga programa para sa ikauunlad ng bayan.

Ang executive branch ay pinamumunuan ng presidente sapagkat ang atin bansa ay isang constitutional republic na may presidential system of government. Ito ay pinamamahalaan bilang unitary state (with the exception ng Autonomous Region ng Muslim Mindanao o ARMM). Ang Presidente ay namumuno bilang head of state at head of government at siya ang commander-in-chief ng armed forces. Siya   ay may 6 year-term. Pinag-uusap-usapan sa ating panahon sa ilang   sulok ng lipunan kung mas mabuti kaya na magswitch tayo sa isang  federal system of government tulad ng sa America upang maiwasan ang sobrang concentration ng power sa isang opisina ng gobyerno.

Ang judicial branch naman ay pinamamahalaan ng Supreme Court na binubuo ng isang chief justice at 14 associate justices na lahat ay  appointed ng presidente mula sa mga ninonominate ng Judicial and Bar Council.

Mahalaga na pangalagaan ng Estado ang dalawang prinsipyo ng good governance – – separation of powers and checks and balances. Kapag hindi pinangatawanan ng gobyerno ang mga prinsipyong ito tiyak na lalaganap ang corruption hanggang sa kalawangin ang buong sistema ng gobyerno na mauuwi sa dagdag hirap sa mahihirap at dagdag yaman sa mga magaling mangurakot. Kung controlado ng isang tao ang executive, legislative at judicial branches of government, sino ang makapipigil sa nais niyang gawin?

Ang tanong ay ito: Kung pagmamasdan natin ang mga nakaupo sa ating national at local governments, pinapractice nga kaya nila ang prinsipyo ng separation of powers at checks and balances? O, ang makikita natin ay ang patuloy na pagkauhaw sa kapangyarihan ng ating mga politicians na nauuwi sa concentration of powers?

Sa larangan naman ng negosyo, ang mga relebanteng tanong sa ating panahon ay ito:

1) ang negosyo ba ay legal?

2) nagbabayad ba ng legal na sahod ang mga negosyante?

3) naglalaan ba sila ng safe environment para sa kanilang mga manggagawa?

4) nagbabayad ba sila ng mga tamang buwis?

5) hindi ba nakagagawa ng panganib ang pagsasagawa nila ng kanilang pangangalakal?

6) ginagawa bang gatasan ng mga negosyante ang ating gobyerno?

Ang primary exports natin ay semiconductors, electronic products, transpost equipment, garments, copper products, petroleum products, coconut oil and fruit. Ang mga major trading partners natin ay China, Japan, the US, Singapore, Saudi Arabia, South Korea, Thailand and  Malaysia.

Sa total labor force natin na mga 38 milyon, ang agriculture sector na nag-eemploy ng 32% ay nagdadagdag lamang ng 14% sa ating Gross Domestic Products o GDP (ang monetary value ng lahat ng goods at services na ating prinoduce sa loob ng ating bansa sa loob ng isang panahon, tulad ng isang taon; and GDP ay ginagamit na panukat ng laki ng ating economiya.) Samantala, ang industrial sector na nag-eemploy ng 14% ay nagkakarga ng 30% sa ating GDP at ang 47% sa service sector ay nagpapasok ng 56% sa ating GDP. Kaya nga ang ating economiya ay palipat na nang palipat mula agriculture based tungo sa service and manufacturing based. Subalit huwag sana nating kalimutan na maraming bansa sa mundo na mayaman kung hindi sobrang yaman na ang mga mamamayan naman ay problemado, malungkot at walang nakikitang pag-asa sa buhay.

Ang isang malungkot na resulta ng over population ay ang over supply ng labor na nauuwi sa maliit na suwelduhan. Sa kasalukuyan, mga ibang bansa ang nakikinabang ng mga mahuhusay nating mga  professionals at skilled laborers. Nakalulungkot, subalit ito na ang realidad sa ating bayan. Grabe na ang unemployment at under-employment. Kaya nga hindi na dapat pagtakhan ang malaking bahagi ng underground economy (tulad ng jueteng, shabu, prostitution, organ sale, illegal logging, techno-piracy, smuggling, lagay at kotong, at iba pa) sa pagpapaikot ng economiya ng Pilipinas. Ang makabayang Pilipino ay nakauunawa ng napakasamang epekto ng masamang business practices at underground economy sa kaunlaran ng sambayanang Pilipino at siya ay hindi nasasangkot dito.

Maaari nga na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, tulad ng sinabi ni Jose Rizal. Subalit, kung hindi sila magkakaroon ng tamang pananaw sa buhay at mundo malamang na magtatampisaw din sila sa putik ng corruption. Kailangan nila ang mga magtuturo, magsasanay at magkakasangkapan sa kanila ng values na dinala ni Cristo dito sa mundo upang tunay na sila ay maging ahente ng pagbabago ng ating bayan. Ang mga teacher, trainor at equippers na ito ang kanilang mga magiging role-models, na kailangang kailangan nila sa ating panahon. Ang makabayang Pilipino ay tinitingalang role-models ng kabataang Pilipino.

Sa pagsusuma, ang makabayang Pilipino ay makikilala sapagkat siya ay:

1. Marunong magpasakop sa awtoridad kung saan siya ay nakapa-ilalim.

2. Marunong sumunod sa batas ng Diyos, sa batas ng bayan at maging sa mga ordinansiya ng barangay.

3. Hindi takot manindigan.

4. Nalalaman niya na ang pagpapalakas ng pamilya ang simula ng pagpapalakas ng bayan. Handa siyang magpagal at mag-sakripisyo para sa ikatatatag ng kanyang pamilya.

5. Nakauunawa na ang ama at ina ng tahanan ang primary values educators ng kanilang mga anak.

6. Mapagkawang-gawa.

7. Nakauunawa ng napakasamang epekto ng masamang business practices at underground economy sa kaunlaran ng sambayanang Pilipino at siya ay hindi nasasangkot dito.

8. Tinitingalang role-model ng kabataang Pilipino.

Ika-Apat na Bahagi: Ang Pagiging Makakalikasan

Ang Pilipinas dahil sa ating mga rainforests at mahabang coastlines ay naging tahanan na ng maraming uri ng ibon, halaman, hayop at isda. Ang ating bansa ay tinagurian nang bio-diversity super star ng mundo. Mga 1,100 land vertebrate species ang nasa ating mga lupain, kasama dito ang 100 mammal species at 194 bird species na hindi matatagpuan sa ibang bansa tulad din ng tamaraw, ang Visayan spotted deer, ang Philippine mouse deer, ang Visayan warty pig, ang Philippine flying lemur, at maraming uri ng paniki. Ang atin namang Philippine eagle ay pangalawa sa pinakamalaki sa buong mundo. Ang ibang uri ng hayop na native sa ating bansa ay ang palm civet cat ang dugong, at ang tarsier ng Bohol. Mayroon din tayong mga 13,500 plant species na mga 3,200 ay unique sa ating bayan. Napakarami rin nating mga bulaklak kabilang na rito ang mga pambihirang orchids at rafflesia. At marami rin tayong matitigas na kahoy tulad ng narra at molave.

Pagpinag-usapan naman ang lawak ng ating katubigan, ito ay umaabot sa 2.2 million square kilometers o 850,000 square miles na nagproproduce ng mga tangi at iba’t ibang uri ng marine life. Kasama tayo sa tinatawag at binibigyang halagang Coral Triangle. Mayroong 2,400 fish species at over 500 species ng coral. Ang Apo Reef ay ang ating pinakamalaking contiguous coral reef system at pangalawa sa buong mundo. Nakakapagsustain din ang ating katubigan ng cultivation ng pearls, crabs, at seaweeds. Marami sa ating mga kababayan ang nabubuhay sa pagtitilapia at pagbabangos.

Mayaman ang ating bansa sa human at natural resources. Napakaganda ng ating mga tanawin. Napakayaman ng ating mga kabukiran, karagatan at kagubatan. Napakalaki ng potential ng ating lahi. Kaya naman napakalaki rin ng responsibilidad ng ating gobyerno na magsaayos ng mga batas para sa preservation, protection at development ng ating yamang-kalikasan.

Mayaman nga ang ating bansa, subalit kung patuloy na ang ating GDP ang ginagamit nating sukatan kung tayo nga ay may karapatang lumigaya, tayo ay manlulugmok. Kung patuloy na ihahambing natin ang kaligayahan sa dami ng materyal na bagay na ating nakakamkam, tayo ay manlulugmok. At hindi natin mabibigyan ng tamang pagpapahalaga ang ating kalikasan.

Sa ngayon, saan ka man lumingon kapag ikaw ay nakasakay sa jeep, napakaraming kabulukan ang iyong mapagmamasdan. Katunayan na tayong mga Pilipino ay walang sapat na pagpapahalaga sa ating kapaligiran.

Panahon na upang ating siyasatin ang ating mga puso at alamin kung ano ba talaga ang magbibigay kaligayahan sa sambayanang Pilipino. Kung tayo ay magiging makadiyos, tayo ay magiging makatao. Kung tayo ay makatao, tayo ay magiging makabayan. At sa oras lamang na tayo ay maging makabayan kaya naman tayo ay magiging makakalikasan. At kung tayo ay makakalikasan, tayo ay makalalasap ng kaligayahan na hindi kailanman maipagkakaloob ng mga materyal na bagay.

Ang tanong ay ito: Paano natin makikilala ang makakalikasang Pilipino?

Ang orihinal na mandato ng Diyos sa tao ay ito, Magpakarami kayo; punuin ninyo ang mundo at lupigin ito; pamahalaan ninyo ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa karagatan at ang lahat ng mga nabubuhay na creatures sa lupa. Lupigin ang lupa! Samakatuwid, sa simula pa lamang ay itinatag na ng Diyos ang pagtratrabaho. Gumawa ang Diyos ng modelo – ang Hardin ng Eden. Ang kailangan lang gawin ng tao ay tularan ito. Kinakailangang maging isang productibong lupain ang buong mundo.

Sinabi pa ng Diyos, Ang lahat ng seed bearing plants at fruit bearing trees na may buto ay ibinibigay ko sa inyo upang kainin. Maliwanag ang dinisenyo ng Diyos na sa pamamagitan ng pagtatanim siguradong may kakainin ang tao.

May nabalitaan ako na mag-asawa na namamahala ng isang maliit  na farm lot. Masipag na nagbubungkal ang lalaki ng lupa. Nag-eksperimento siya sa pagtatanim ng iba’t ibang halaman. Nakapag-pabunga siya ng upo, pechay at ng iba-iba pang gulay. Ang magandang ehemplo na ito ay nakatulong upang ang kanilang mga kapitbahay ay magtanim din sa kani-kanilang bakuran. Ngayon, sila ay nagpapalitan na ng bunga ng kanilang mga pananim.

Ginagamit ng makakalikasang Pilipino ang kanyang panahon at resources upang maging productibo ang lupa. Siya ay nagpapakita ng mabuting halimbawa sa kanyang mga kapitbahay patungkol sa paglulupig ng lupa – na ito ay nagbubunga nang para sa kapa-kinabangan ng tao.

Ang palusot ng mga tamad ay wala naman silang lupa na mapagtatamnan. Ang tamad ay maraming dahilan; samantalang ang masipag ay laging nakahahanap ng paraan, at siya ay siguradong may kakainin. Ang masipag ay natututong mag-container gardening gamit ang paso, plastic containers o lata. Hindi man ito lumaki para maging negosyo, ang container gardening ay makababawas sa gastusin. At tulad sa ating kuwento, maaaring sa pagpapalitan ng ani, libre na ang gulay na tunay namang mabuti sa ating katawan.

Kung kayo ay mahilig mag-road trip, mapapansin ninyo ang mga nag-uusbungang housing projects. May mga developers na tinatapyas pa ang bundok at pinapatag ang lupa upang maiayos ang pagdidibisyon ng mga lote. Ang iba naman ay kinakalbo ang kabundukan para mapatayuan ng kabahayan. O kaya nama’y ginagawang subdivision ang mga lupang dapat sana ay tinatamnan ng palay.

Nakalulungkot ang ginagawa ng iba nating kababayan. Putol dito at putol doon ang ginagawa sa mga puno sa bundok na nagiging sanhi ng mga flashfloods. Siyempre, ang apektado dito ay ang mga naninirahan sa kapatagan.

Ang makakalikasang Pilipino ay hindi basta-basta nagpuputol ng mga puno at pinababayaang makalbo ang mga kabundukan at hindi nila inilalagay ang buhay ng tao sa peligro.

Ang mga kababayan nating squatter na nakatira sa may ilog ay walang pakundangan kung magtapon ng kanilang mga basura. Kaya naman nagiging marumi at mabaho ang ating mga ilog. At hindi lang iyon! Inilalagay pa nila ang kanilang buhay sa panganib. Oras na bumagyo, siguradong madadala ng malakas na agos ng tubig ang mga tinayo nilang mga barong-barong sa tabing-ilog. Kaya imbes na maging kabalikat ng lipunan, sila ay nagiging pabigat sa lipunan.

Maliliit pa lamang ang ating mga anak, dapat na tinuturuan na sila na magligpit ng kanilang mga kalat. Sinasabi natin kung saan nila dapat itapon ang mga wrappers ng candy o cookies. Ipinakikita natin sa kanila ang kagandahan ng maayos na kapaligiran kaya tayo ay naglilinis ng ating bakuran. Winawalis natin ang loob at labas ng ating bahay upang mapanatili ang kalinisan. Ang mga basura ay hindi natin basta itinatapon kung saan-saan upang hindi ito mapunta sa mga canal na maaaring maging sanhi ng pagbabara ng daluyan ng tubig. Hindi natin pinababayaan ang mga stagnant na tubig upang hindi ito bahayan ng mga lamok na maaaring magdala ng sakit na dengue. Hindi rin tayo nagtatambak ng basura na pagpupugaran ng mga langaw.

May nabalitaan pa ako na may isang delivery truck ang pumasok sa loob ng isang subdivision. Ang pahinante ng truck ay nagtapon ng papel sa kalye. Nakita ito ng isang homeowner na kasunod nilang pumasok sa gate. Hinabol sila nito at pinagsabihan na hindi siya dapat nagtapon ng papel sa kalye. Ang sabi ng pahinante, maliit na papel lang naman iyon. Maliit man o malaki, basura pa rin iyon na ikinalat ng isang mangmang na pahinante. Maaaring maabsuwelto pa natin ito dahil sa kanyang kamangmangan. Ang hindi ko masikmura ay yaong mga motorista na nakasakay sa magara at bagong sasakyan na bigla na lamang magbababa ng bintana at mag-iicha ng basura sa kalye. Hindi bale na kung saan man ito mag-landing.

Habang dumarami ang mga residente sa mga subdivisions, dumadami rin ang kanilang basura. Nataon pa na kulang na kulang ang mga garbage trucks mula sa mga munisipyo. Dapat na mabahala ang mga homeowners’ association. Dapat na makipag-ugnayan sila sa isang ahensya ng gobyerno at magpa-seminar tungkol sa waste management para sa mga residente. Dapat malaman ng mga homeowners kung ano-anong mga basura ang nabubulok at di-nabubulok at maturuan sila tungkol sa zero waste management – kung paano gawing pataba sa lupa ang mga basurang nabubulok.

Ang makakalikasang Pilipino ay hindi nagtatapon ng basura kung saan-saan. Siya ay hindi nagiging pabigat sa lipunan at nagiging sanhi ng karumihan na maaaring panggalingan ng sakit.

Tuwing Sabado, mapagwawari natin na marami sa mga kabataan ang nai-involve sa sports. Subalit karamihan sa kanila ay paista-istambay lamang habang ang iba ay pagala-gala sa kalsada. Ito ang gawaing walang kapakinabangan.

Kakaiba ang nabalitaan ko tungol sa isang teen-ager. Siya ay nagmamasid sa tuwing naglalakad siya pauwi sa kanilang tahanan. Napansin din niya ang maraming nakaistambay at naglalaboy sa kalye na gawain ng kabataan sa kanilang barangay. Nilapitan niya ang kanilang SK chairman at iminungkahi na magkaroon ng proyekto para sa mga kabataan nila. Hihimukin nila ang mga kabataan na mag-operation “clean-linis” at mag-container gardening tuwing Sabado ng umaga.

Matapos pulungin ng SK ang mga kabataan sa kanilang lugar, nakuha ang cooperasyon ng bawat isa. Nag-assign si SK chairman ng mga street leaders. Ang pamunuan ng Sangguniang Kabataan at mga street leaders ay sumailalim sa pagtuturo at pagsasanay tungkol sa makadiyos na pamumuno. Ang mga street leaders naman ang nagturo sa mga kabataang nasasakupan nila. Mula noon, ang barangay nila ay lagi nang malinis at maraming tanim na nakahilera sa harap ng  mga tahanan doon. Pati mga bata na palaro-laro sa kalsada noon ay na-engganyong tumulong kina ate at kuya. Kaunting panahon at pagod lang ang kailangang ipuhunan upang makita ang pag-unlad ng isang barangay na katulad nito.

Sa pagsusuma, makikilala natin ang makakalikasan na Pilipino sapagkat siya ay:

1. Sumusuporta sa batas patungkol sa preservation, protection at development ng ating mga yamang-kalikasan.

2. Masipag magbungkal ng lupa at magtanim, kahit sa isang container lamang.

3. Hindi basta nagpuputol ng mga puno at hinahayaang makalbo ang ating mga kabundukan.

4. Hindi basta nagtatapon ng basura kung saan-saan at nagiging pabigat sa lipunan.

5. Hindi nagiging sanhi ng karumihan na maaring panggalingan ng sakit.

6. Nagsisilbing mabuting halimbawa sa kanyang mga kapitbahay patungkol sa benepisyo ng kalinisan.

7. Gumagamit ng kinauukulang government agency sa pagtuturo ng waste management sa mga residente ng kanilang subdivision

8. Nakikipag-ugnay sa barangay at handang magbahagi ng kanyang talento sa pagpapasimula ng mga proyektong may kinalaman sa kalikasan.

Ika-limang Bahagi: Ang Pagsasagawa ng Values Formation

Ang pag-attend ng seminar na ito ay simula lamang ng Values Formation Program. Upang macompleto ang pag-aaral ng Values, kinakailangan ang pagpapatuloy sa pag-aaral ng tatlo pang modules:

1) Ang Makadiyos Na Magulang,

2) Ang Tamang Pananaw Sa Buhay At Mundo,

3) Ang Mapaglingkod Na Pamumuno.

Ang mga araling ito ay ihinanda in the form of a 30-day personal devotion. Samakatuwid, after 90 days, tapos na ang pag-aaral. Subalit hindi naman ibig sabihin nito na mag-isa lamang na mag-aaral ang isang tao. Iminumungkahi ng may-akda ng araling ito na sumali ang bawat isang mag-aaral sa isang cell group of seven. Ang objectibo ng cell group ay mag-meet regularly o once a week upang pag-usapan ang mga natututuhang gabay sa buhay ng isang matagumpay na Pilipino.

Umaasa ang Values Formation Movement na ito na ang bawat magulang ang magtuturo ng Values sa kani-kanilang mga anak. Mayroong pinagkakaloob na facilitator’s training seminar ang Lambat Ministries para doon sa mga gustong maging bahagi ng kilusang ito bilang teacher, trainor or equipper.

2 thoughts on “Values Formation”

  1. Eunice said:

    ano po ba ang ibig sabihin ng values formation

    • Ang values formation ay ang sistematikong pagtuturo ng mga katotohanan patungkol sa kung ano ang mabuti at tamang kaugalian na maggagabay sa pamumuhay ng lipunan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s