Ang Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo ay magkakasama sa pagsilang ng sansinukob. Sinasabi sa Genesis 1:1-2 na:  Sa simula ginawa ng Diyos ang mga langit at lupa. At ang lupa ay walang porma at hungkag, nakalatag ang kadiliman sa itaas ng kailaliman, at ang Espiritu ng Diyos ay pumapaibabaw sa tubig. Sinasabi naman sa John 1:1-3 at 14 na: Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Sa pamamagitan Niya ginawa ang lahat ng bagay; at walang ginawang kahit anong ginawa kung wala Siya. At ang Salita ay nagkatawang lupa at nanahan na kasama natin. Sinasabi rin sa Psalms 33:6 na sa pamamagitan ng Salita ng Diyos ang kalangitan ay ginawa at ang mga bituin sa pamamagitan ng hininga ng Kanyang bibig.

Ang Salita ng Diyos ay tama at totoo (Psalms 33:4). Ito ay buhay at aktibo. Mas matalas pa kaysa tabak na may dobleng-talim, nanunuot sa pag-itan ng kaluluwa at espiritu, at kasukasuan at utak sa buto; hinuhusgahan nito ang isipan at mga kinahihiligan ng puso (Hebrews 4:12). Kailangan nating malaman ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa mga bagay na nakaiimpluwensya sa ating pag-iisip at pagkilos.

  • Sa simula ay nilikha ng Diyos ang langit at lupa:
    • Liwanag
    • Kalangitan
    • Lupain, karagatan, kagubatan
    • Araw, buwan, mga bituin
    • Mga isda at mga ibon
    • Lahat ng uri ng hayop; tao  (Genesis 1:1-27).
  • Binigyan ng Diyos ng layunin sa buhay ang tao:
    • Magparami at punuin and mundo
    • Lupigin ang lupain
    • Pamahalaan ang mga isda, ibon at lahat ng uri ng hayop (Genesis 1:28).
  • Ginawa ng Diyos ang tao ng tahanan (Genesis 2:8-23) at pinaglaanan ng makakain (mga prutas). Binigyan din ng Diyos ang      lahat ng ibon at mga hayop ng makakain (kagulayan) (Genesis 1:29). 
  • Ang nilalang na Tao ay tinukso ng ahas at nahulog sa kasalanan (Genesis 3:1-7). Ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Adan; at kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan. Kaya nga ang kamatayan ay dumarating sa lahat ng tao sapagkat lahat ay ipinapanganak na makasalanan. Kaya nga masasabi na kay Adan lahat ay namatay (Romans 5:12-17; 1 Corinthians 15:20-22; Psalms 51:5). 
  • Mula sa sanlibutan, humirang ang Diyos na aariin Niyang Kanya. Ang mga hinirang na ito ay ibinigay Niya sa Kanyang Anak na si Jesus: Ang sabi sa 2 Timothy 2:19 ay: Alam ng Diyos kung sino ang sa Kanya. Sinabi naman ni Cristo sa Kanyang Ama ang ganito sa John17:6: Ipinahayag Kita sa kanila na ibinigay Mo sa Akin mula sa mundo. Sila ay sa Iyo; ibinigay Mo sila sa Akin at sinunod nila ang Iyong salita. Kaya naman ganito ang tukoy ni Cristo sa mga ibinigay ng Diyos Ama sa Kanya: Nakikinig sa Aking tinig ang Aking mga tupa; kilala Ko sila, at sila ay sumusunod sa Akin. Binibigyan Ko sila ng buhay na walang hanggan, at di kailanman sila mapapahamak; walang makaaagaw sa kanila mula sa Aking mga kamay. Ang Aking Ama, na nagbigay sa kanila sa Akin, ay mas dakila kaysa lahat; walang makaaagaw sa kanila mula sa kamay ng Aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa (John 10:27-30). 
  • Ang mga hinirang ng Diyos ay isang hinirang na lahi; mga saserdoteng may dugong bughaw; isang banal na nasyon; isang bayan na pag-aari ng Diyos upang maibunyag nila ang papuri sa Kanya na tumawag sa kanila mula sa kadiliman tungo sa magandang liwanag (1 Peter 2:9). Bahagi ng kalikasan ng tao ang dalawang sanga na bumubuo sa kanyang pagkatao: ang sumamba at maglingkod sa Diyos. Dito sa pagtupad ng dalawang bagay na ito matatagpuan ng tao ang tunay niyang kaligayahan. Tayo ay para sa Diyos at hindi ang Diyos ang para sa atin. Ang diyos na nabubuhay upang bigyang kasiyahan ang tao at sundin ang lahat ng kanyang naisin ay diyos-diyosan lamang na likha ng isip ng tao. 
  • Ang mga hinirang ng Diyos ay iniligtas ng Diyos mula sa kamatayan na siyang kabayaran ng kasalanan (John 10:11; Romans 3:23; 5:8; 6:23; 2 Corinthians 5:21; Ephesians 2:1-9).
  •  Bagamat ang mga nananalig kay Cristo ay ligtas na sa kaparusahan at kapangyarihan ng kasalanan, sila ay nasasalaman pa rin kaya nga sila ay nagkakasala pa rin. Ang kaligtasan mula sa presensya ng kasalanan ay mangyayari lamang pagtanggap natin ng espirituwal na katawan (Romans 7:14-25; Galatians 5:19-6:1; 1 John 1:9; 2; Corinthians 15:50-54). 
  • Ang lupaing ating nilalakaran at tinatamnan ay isinumpa ng Diyos dahil sa kasalanan ng tao kaya sa pawis lamang ito magiging kapaki-pakinabang (Genesis 3:17). 
  • Dahil sa kasalanan ng tao, ang paghahari ng kasamaan ay laganap at ang takbo ng mundo ay ayon sa kalooban ng diablo (Genesis 6:11-12; John 14:3, 16:11; Romans 12:3; Ephesians 2:2;Colossians 2:8).
  • Mapagtatagumpayan ng mga mananampalataya ang mga lumalaban sa Diyos sagagkat ang Diyos na nananahan sa kanila ay mas makapangyarihan kaysa sa diablo na nagpapatakbo ng mundo (1 Corinthians 6:19; 2 Timothy 1:14; 1 John 4:4). 
  • Dahil sa kapangyarihang taglay ng mga mananampalataya, kaya nilang baguhin ang kanilang mga komunidad tungo sa kabutihan (Matthew 5:13-16; Ephesians 2:10; Acts 2:42-47; Psalms 1:1-3). Ito ang kakaibang katangian ng Cristianismo – – na sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos at sa pagmamahal sa kapwa, mapupuksa ang karimlan sa mundo. 

Ang mga temang ito na ating pinag-isipan at hinimay-himay ay makapagsisilbing Topics of Conversation kapag nagkakasama-sama ang mga alagad ni Cristo. Isama mo ang bagong alagad sa mga Prayer Meeting at mga Bible Study Fellowship.

Walang dahilan kung bakit hindi makapamumuhay ng masaya at masagana ang mga anak ng Diyos. Ang sabi ni Cristo sa John 10:10 ay naparito Siya upang ang Kanyang mga tupa ay magkaroon ng buhay na walang hanggan at nang may kapayapaan at kasaganahan. Kailangan lamang na matutuhan ng bagong mananampalataya kung paano  pakainin at painumin ang kanyang kaluluwa.