Manalangin ng Walang Tigil

Sa 1 Thessalonians 5:16-18 ang sabi ni Apostol Pablo ay ganito: Laging magdiwang; manalangin ng walang tigil; sa lahat ng pagkakataon magpasalamat, dahil ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo kay Cristo Jesus. Ang panalangin ay pakikipag-ugnayan sa Diyos sa ating puso, isipan at damdamin patungkol sa lahat ng aspeto ng buhay. Ang Kanyang presensya ay lagi nating dapat dinarama; ang Kanyang Salita ay lagi nating kinukonsulta; ang ating pangangailangan sa lahat ng bagay ay lagi nating dinudulog sa Kanyang harapan; at ang ating mga nagagawang kasalanan naman ay lagi nating ihinihingi ng tawad.

Natatandaan mo ba nang ikaw ay unang ma-in-love? Hindi ba walang tigil ang iyong pagkasabik sa iyong napupusuan at lagi mo siyang iniisip? Ano kaya ang kanyang ginagawa? Iniisip din kaya niya ako? Sa ayaw mo at sa gusto, lagi na lamang na siya ang laman ng iyong isipan. Kung baga ay nag-stay-in na siya sa iyong utak.

Habang lumalago ang ating kaalaman patungkol sa pagmamahal ng Diyos para sa atin, lalong pumapasok Siya sa ating ala-ala. Hindi natin maiiwasan na isipin ang Kanyang kalooban para sa ating buhay. Ano ang Kanyang ikalulugod? Paano ko Siya mabibigyan ng kasiyahan? At habang nakikilala natin ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesus, lalo tayong nai-in-love sa Kanya dahil sa Kanyang mga kamanghamanghang katangian at mga gawa.

Taglay ng Luke 11:5-8 ang encouragement na huwag na huwag tayong mahihiya sa paghiling sa Diyos. Kung baga, ang turo dito ay kapalan ng mukha sa pagdulog sa Diyos. Kaya nga, maaaring walang tigil tayo sa pagdarasal sa Kanya.

Walang tigil na pagsamba o pagbibigay puri, pasasalamat, paghiling, paghingi ng tawad at pagpapakumbaba. Araw-araw, oras oras, minu-minuto. Lalong-lalo na ang walang tigil na paghingi ng tawad sa ating paulit-ulit na pagkakasala.