Taglay ng chapter na ito ang pagkahulog ng tao sa kasalanan. Dito natin makikilala ang nilikha na pinakatuso sa lahat ng animal sa balat ng lupa, ang ahas. Nang tuksuhin ng ahas ang tao, piniling paniwalaan ng tao ang salita ng ahas kaysa sa salita ng Diyos. Siya ay nahulog sa kasalanan (Genesis 3:1-7).

Mahalaga na maunawaan natin ito: Ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Adan; at kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan. Kaya nga ang kamatayan ay dumarating sa lahat ng tao sapagkat lahat ay ipinapanganak na makasalanan. At kaya nga masasabi na kay Adan lahat ay namatay (Romans 5:12-17; Psalms 51:5; 1 Corinthians 15:22).

Mabigat ang nangyari kina Adan at Eba, at sa buong sanlibutan. Dahil sa kasalanan napalayas sila sa Paraiso, sa Hardin ng Eden kung saan nakakasama nila ang Diyos sa pamamasyal sa kalamigan ng araw (Genesis 3:8). At hindi lamang iyon, sila ay nakaranas agad-agad ng espirituwal na kamatayan (ang paghiwalay ng Espiritu ng Diyos sa espiritu ng tao) at ng pisikal na kamatayan (ang paghiwalay ng kaluluwa ng tao sa kanyang katawan) matapos ang maraming taon.

Subalit, dapat nating usisain kung ano ba itong ahas na ito na sumalungat sa sinabi ng Diyos kay Adan. Bakit siya ganoon? Bakit kinontra niya ang Diyos?

Sa history ng sansinukob, nakalathala sa Isaiah 14:13-14 ang nilalaman ng puso ng isang magiting na anghel – ang unang nilalang na kumontra sa Diyos:

Iaangat ko ang aking sarili sa kalangitan; iaangat ko ang aking trono sa ibabaw ng mga bituin ng Diyos; Iluluklok ko ang aking sarili sa bundok ng kapulungan, sa pinakamatayog na itaas ng bundok na banal. Iaangat ko ang aking sarili sa itaas ng mga ulap; Gagawin ko ang aking sarili na tulad ng Kataas-taasang Diyos.

Sa Revelation 12:7-9 nakasulat ang kinahinatnan ng sinapuso ng rebeldeng ito:

At nagkaroon ng digmaan sa kalangitan. Si Michael at ang kanyang mga anghel ang sumagupa sa dragon at ang dragon at kanya namang mga anghel ay lumaban. Subalit hindi siya ganoon kalakas at sila ay natalo, at nawala sila sa kanilang kinalalagyan sa langit. Ang magiting na dragon ay itinapon – yaong ninunong ahas na kinikilalang diablo o Satanas, na namumuno sa pagkakanya-kanya ng buong mundo. Itinapon siya sa lupa, kasama ang kanyang mga anghel.

Sa Ezekiel 28:11-15 napapaloob ang paglalarawan kung anong uring nilalang ang rebeldeng ito:

Ikaw ang modelo ng walang kapintasan, puno ng karunungan at sukdulang ganda. Naroon ka sa Eden, sa hardin ng Diyos; mamahaling hiyas ang nakaadorno sa iyo. Itinangi kang bantay cherubin. Kasama ka ng mga naglalakad sa bundok na banal ng Diyos. Walang maipipintas sa iyong mga gawi mula ng araw na ikaw ay lalangin hanggang sa sandaling ang kabuktutan ay natagpuan sa iyo.

Kaya pala – ayon kay Apostol Pablo – na hanggang ngayon ay kayang-kaya magpanggap ni Satanas na isang anghel ng liwanag (2 Corinthians 11:14), at ganoon din ang kanyang mga kampon.

Sa sobrang dunong ni Satanas, nakaya niyang paglalangan ang kanyang sarili. Naniwala siya na siya ay may malayang kalooban nang katulad ng sa Diyos na walang makahahadlang. Dapat nating maunawaan ang kaibahan ng walang-makahahadlang na kalooban (free will) at ng kalayaang makapamili (freedom to choose). Ang Diyos lamang ang may walang-makahahadlang na kalooban. Hindi kaya iyon na maski sinong nilalang.

Ang tao at mga anghel ay may kalayaang mamili. Piliin natin na palagiang sundin ang kalooban ng Diyos upang tayo ay hindi mapahamak. Walang gagawin ang diablo kundi ang ipahamak tayo.