Sa gitna ng Hardin, ginawa ng Diyos ang puno ng buhay; ang puno na makapagdudulot ng buhay na walang katapusan. Isipin natin na hindi ipinagbawal ng Diyos ang kumain mula sa punong ito. Isipin natin na kung sa punong ito muna kumain sina Adan at Eba bago sila kumain mula sa pinagbabawal na bunga, disin sana ay hindi sila dumanas ng pisikal na kamatayan kahit humiwalay sa kanilang kaluluwa ang espiritu ng Diyos.

Ang tanong ay ito: Ano ang saysay ng buhay kung tayo ay pababayaan na lamang ng Diyos sa ating kasalanan?
Kapag nalalagay ang tao sa matinding peligro ang kanyang madalas na sigaw ay, Diyos ko, iligtas mo po ako, ayaw ko pang mamamatay! Lahat ng pagpumimiglas ay ating gagawin makaiwas lamang tayo sa kamatayan. Kahit na ang pasyente ay hirap na hirap na at nakararamdam na ng matinding sakit, ang kanyang sasabihin pa rin ay, Ayoko pang mamamatay!

Sakit. Kalungkutan. Pighati. Pasakit. Ang mga ito at marami pang di kanais-nais na pakiramdam ang dulot sa atin ng kasalanan. Kahit ano pang yaman mayroon tayo hindi pa rin tayo makararanas ng kaligayahang walang tigil sa pagdaloy.

Huwag nating kalilimutan na tayo ay hinubog ng Diyos upang ating maranasan ang tunay na kaligayahang dulot ng buhay na walang hanggan na Kanyang kaloob sa atin. Ang kahulugan ng buhay na walang hanggan ayon sa Panginoong Jesu Cristo sa John 17:3 ay ang makilala natin ang tunay na Diyos at ang Cristo na Kanyang isinugo.
Kung tunay ang magiging pagkakilala natin sa Diyos, hindi natin mapipigilan ang ating sarili na Siya ay mahalin nang lubusan at sambahin. At kung iniibig natin ang Diyos malugod natin Siyang paglilingkuran. Huwag nating kalilimutan ang layuning pinagkaloob sa atin ng Maylikha – – ang malayang pagsamba at paglilingkod sa Kanya. Sa pagsasagawa lamang ng dalawang bagay na ito tayo makasusumpong ng kaligayahan; ng kapayapan ng puso at kagalakan ng kaluluwa.

Dahil sa kumain ng pinagbabawal na bunga sina Adan at Eba, minabuti ng Diyos na hindi kailan man makapipitas ang tao ng bunga mula sa puno ng buhay. Kaya pinalayas Niya ang tao sa harding iyon at pinabantayan ang puno ng buhay sa isang Cherubin na may espadang nagliliyab na pumipihit sa lahat ng direksyon.

Kung buhay man ang ating katawan subalit patay sa espiritu ang ating kaluluwa, walang saysay ang buhay. Tunay na mapalad ang mga taong makararanas ng kapanganakan sa Espiritu.