Buong buhay ko’y alay sa pag-aaral,
Ng mga propeta, mga kautusan.
Kaharian ng Dios, pa’no matagpuan
Pa’no matamo buhay na walang hanggan.

Ngunit sa likod ng aking karunungan,
Ng aking kaalaman at karanasan,
Ng aking matayog lugal sa lipunan,
Kalul’wa’y salat, walang katahimikan.

Tanggap kong si Jesus, gurong mula sa Dios.
Mundong magulo, Kanyang isinaayos.
Bulag nakakita, bingi’y nakarinig.
Lumpo’y nakalakad, pipi’y nagkatinig.

Taglay ko’y takot, sa aki’y may kumutya,
Paggalang ng tao sa aki’y mawala,
Gabing madilim, may liwanag na bahagya.
Di ko matiis, Siya’y aking sinadya.

Kailangan mo’y muling kapanganakan;
Sa Espiritu, ‘pagkat laman ay laman.
Muling kapanganakan ang kailangan,
Upang makita ang Aking kaharian.

Ipanganak na muli, ngunit paano?
Sa sinapupunan babalik ang tao?
Di ko maarok, anong hiwaga ito?
Iluwal sa espiritu ay paano?

H’wag kang magtaka, kundi ay manalig ka.
H’wag kang mag-alinlangan, ang sabi pa N’ya.
Magtiwala sa Dios, salita N’ya ay dinggin.
Kanyang alay na Anak, iyong tanggapin.

Kaya kaibigan, huwag mag-alinlangan,
Munting sanggol nga’y isinilang sa sabsaban,
Ang tanging handog N’ya sa iyo’y kaligtasan,
Jesus, isapuso mo ngayong kapaskuhan.