Napag-alaman natin sa Genesis 1 na binigyan ng Diyos ang tao ng layunin sa buhay ayon sa Genesis 1:28:  Maging mabunga kayo at magparami ng bilang; punuin ninyo ang mundo at supilin ito; pamahalaan ninyo ang lahat na nilikha Ko.

Ang pagpaparami ng bilang ay kinakailangang isagawa ayon sa kalooban ng Diyos. Ibig sabihin, kasalan muna at hindi kasalanan muna bago pakasal. Kaya tuloy dito sa ating bansa ay napakarami na bata pa ay nagbubuntis na. May tamang paraan at may tamang panahon ang lahat ng bagay. Ito ang sabi ng Preacher sa Ecclesiastis 3:1-8.

Sa kasalukuyan, ang bilang ng tao sa mundo ay 7 billion. Subalit kung tutuusin, hindi pa puno ang mundo. Paano mapupuno ang mundo, eh, nagsusumiksikan ang milyong-milyong tao sa limitadong ispasyo sa tinataguriang mega-cities, tulad ng Metro Manila, Tokyo, New York City, Rio de Janeiro, at marami pang iba. Ang kadalasang tanong ng mga anak ng squatter ay ito: Saan naman kami maninirahan kung hindi dito? Ang sagot ay nasa Genesis 2.

Matapos bigyan ng Diyos ng layunin sa buhay ang tao na Kanyang nilalang, ginawan Niya ang mga ito ng tahanan (Genesis 2:8-23) at  pinaglaanan ng makakain (mga prutas). Binigyan din ng Diyos ang lahat ng ibon at mga hayop ng makakain (kagulayan) (Genesis 1:29). Sa simula pala, tahanan at pagkain mula sa hardin lamang ang pangangailangan ng tao. Bago magkasala sina Adan at Eba, hindi nila kinailangan ang damit.

Ang una kong natutuhang awit, hindi ko alam ay nagbibigay kaluwalhatian pala sa Diyos – – Bahay Kubo. Kaya pala matapos ang mahabang panahong pagpapagal at pag-iipon sa ilang mega-cities, ang aking naisin para sa aming mag-asawa ngayon ay makapanirahan sa isang bahay kubo na pinaliligiran ng mga punong-kahoy at gulay. Ito ang kalooban ng Diyos para sa sanlibutan. Hindi ang maglaganap ng mga mega-cities kung saan ang lahat ng uri ng karimlan ay nakapamamahay sa lahat ng dako at sa lahat ng sulok.

Nang nilikha ng Diyos ang lupa, hindi Niya ito nilikha na tapos na tapos na; na wala nang kailangan gawin pa ang tao. Bagkos ay gumawa lamang Siya ng isang hardin – ang Hardin ng Eden – na magsisilbing modelo para tularan ng tao sa kanilang gagawing pagpaparami. Ang trabaho ay banal. Ito ay kasama sa plano ng Diyos para sa atin.

Sa bahaging ito ng Banal na Kasulatan, mapagtatanto natin na bago pa mahulog ang tao sa kasalanan, pinagkalooban na siya ng Diyos ng layunin sa buhay: ang sumamba at maglingkod sa Diyos. Ito ay nakapaloob sa salitangblessed sa Genesis 1:28 na may kinalalaman sa pagluhod. Kaya pala ang sabi ni Jesus ay ito: Sambahin ang Diyos at Siya lamang ang paglingkuran (Matthew 4:10). Binigyan din ng Diyos ang tao ng paraan kung paano sila makapaglilingkod sa Kanya: a) Punuin ang mundo, b) Supilin ang lupa, at c) Pamahalaan ang mga iba pang may buhay sa mundo. At pinaglaanan ng Diyos ng modelo ang tao kung paano nila isasagawa ang pagtupad ng kanilang gawain. Ang pagsamba. pagpapamilya, at pagtratrabaho na naayon sa kalooban ng Diyos ay kabanalan sa Kanyang paningin.