Sa simula sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag,”  at nagkaroon nga ng liwanag. Nakita ng Diyos na mabuti ang liwanag!  Pagkatapos, ginawa ng Diyos ang kalangitan, karagatan at mga lupain.  Sa lupa ay naglagay ang Diyos ng damo, mga bulaklak at mga puno.  Nilikha Niya ang araw, buwan at mga bituin upang mabukod ang araw sa gabi.  Pinuno Niya ang karagatan ng lahat ng klase ng isda at ang kalawakan ng lahat ng uri ng ibon.  Nilikha rin ng Diyos ang lahat ng uri ng hayop at kung ano-anong mga gumagapang sa lupa.  At nilikha Niya ang tao.  Sa ginawa  Niyang paglilikha, pitong beses Niyang binanggit ang salitang “mabuti.”  Ang Kanyang mga nilikha ay nagbigay kasiyahan sa Kanya. Samakatuwid, ang mabuti pala, bibilically speaking, ay yaong nagbibigay kasiyahan sa Diyos.

Nilikha ng Diyos ang tao sa sarili Niyang wangis. Ibig sabihin may kakayahan ang tao na magsalarawan ng Diyos. Kaya naman pala nagtaka si Job kung bakit masyadong pinagkaka-abalahan ng Diyos ang tao (Job 7:17).”  Ang tanong naman sa Awit 8:4 ay, Ano ang tao na laging Mo siyang inaalala, ang anak ng tao na iyong inaaruga?  At ang sinasabi naman sa Awit 139:14 ay,  Kahanga-hanga at buong ingat ang paglikha ng Diyos sa tao.

Ang pagkalikha sa tao ay bukod-tangi.  Ang tao ay makapaglalarawan ng karunungan, katuwiran at kabanalan ng Diyos.  Siya ay may talino, damdamin, at kakayahang magpasiya.  At ang kanyang buhay ay maaaring magbunga ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, katapatan, kahinahunan, at pagtitimpi sa sarili.  (Colossians 3:9-10, Ephesians 4:22-24,  ang Galatians 5:22-23). Kaya naman masasabi natin na ang tao ay may dignidad sapagkat siya ay likha sa wangis ng Diyos at hindi dahil sa siya ay mayaman, tanyag o may mataas na puwesto sa lipunan o sa gobyerno.

Samakatuwid, ang Theory of Evolution na itinuturo sa mga eskuwelahan natin ngayon maging public o private man na nagsasaad na ang tao ay nanggaling sa unggoy ay kasinungalingan.  Sa totoo lang, ito ay isang malaking kahangalan.

Matapos nating mapag-alaman ang mga bagay na ito, hindi naman nangangahulugan na ang tao ay wala nang pinagkaiba sa Diyos.  Ang kalikasan ng Diyos ay sa Diyos lamang.  Siya ay walang simula at walang wakas; ang Kanyang kapangyarihan, karunungan, kadakilaan, kaluwalhatian at iba pang katangian ay walang hangganan.

Matututuhan din natin sa pag-aaral ng pagkalikha sa langit at lupa na ang Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritung Banal ay magkakasama sa pagsilang ng sangsinukob. Sinasabi sa Genesis 1:1-2 na:  Sa simula ginawa ng Diyos ang mga langit at lupa. At ang lupa ay walang porma at hungkag, nakalatag ang kadiliman sa itaas ng kailaliman, at ang Espiritu ng Diyos ay pumapaibabaw sa tubig.

Sinasabi naman sa John 1:1-3 at 14 na: Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Sa pamamagitan Niya ginawa ang lahat ng bagay; at walang ginawang kahit anong ginawa kung wala Siya. At ang Salita ay nagkatawang lupa at nanahan na kasama natin.

Sinasabi rin sa Psalms 33:6 na sa pamamagitan ng Salita ng Diyos ang kalangitan ay ginawa at ang mga bituin sa pamamagitan ng hininga ng Kanyang bibig.