Nakalulungkot mapagmasdan ang mga anak ng Diyos na pabalik-balik pa rin sa mundo upang makihalubilo sa takbo nito. Mauunawaan natin ang bagay na ito kapag ang mga naliligaw ng landas ay mga musmos pa sa pananampalataya. Subalit kung ang ating napapansin ay mga lumaki na sa iglesya at nagbabad na sa Bible study, tunay na nakalulungkot. Ang kalangitan ay nalulungkot sa tuwing may isang tupa na kinatagpo ni Cristo na pagkatapos ay balik nang balik pa rin sa lakaran ng mundo.

Nang sinabi ni Cristo na tayong mga mananampalataya ay nasa mundo ngunit hindi tayo taga-mundo, niliwanang din Niya na tayo ay Kanyang sugo sa mundo, tulad nang Siya ay sugo ng Kanyang Ama. Ang ating mga buhay ay patotoo sa mundo na tayo nga ay galing sa ating Ama sa langit at ang buhay na ito ay nagsisilbing asin sa lupa at ilaw ng sanlibutan. Ang ating mga mabubuting gawa ay nagbubunga ng papuri sa Diyos  (John 17:15-18, Matthew 5:13-16).

Ang tanong ay ito: Bakit ba na kahit maliwanag sa isipan ng mga matatanda na sa pananampalataya ang conceptong ito, hindi pa rin nila maiwasang maging makamundo?

Isa lamang ang maaaring sagot sa katanungang ito: Napaniwala na nila ang kanilang sarili na sa kanilang makamundong kalagayan, sila ay nabubuhay pa rin ayon sa kalooban ng Diyos. Sumasamba tuwing Linggo. Nananalangin tuwing may prayer meeting. Nagbibigay ng kaloob sa gawain ng Diyos. Mayroong weekly Bible study. Kasama sa music ministry. Nagtuturo sa Sunday School. Most, if not all, of the above. Busy talaga naman sa gawain ng iglesya.

Napakainam kung ang isang mananampalataya ay busy talaga sa gawain ng iglesya kung ang kanyang motibo ay tama. Subalit, kung siya ay busy nga sa church affairs dahil sa kagustuhang maging matuwid sa harapan ng Diyos, siguradong ang nagpapatibok ng kanyang puso ay nanggagaling pa rin sa mundo. Napakahusay paglaanan ng mundo ang paglalaway ng pita ng laman ng tao, ng paglalasap ng kanyang mga mata at kahilingan ng kapalaluhan ng kanyang buhay (1 John 2:16).

Kapag ang nagpapatibok sa puso ng Cristiano ay hindi pag-ibig kay Cristo, matuwid ang pagtingin niya sa sarili dahil sa pagsunod niya sa mga kautusan. Siya ay nakapormang alagad ni Cristo subalit walang pagtanggap – kaya walang pagtitiwala – sa Kanyang mga salita. May porma, ngunit walang kapangyarihang mapagtagumpayan ang mundo. Living not by faith but by sight. Nakalimutan na ang sinasabi sa Romans 1:17: Ang matuwid ay nabubuhay sa pagtitiwala.

Ang self-righteous na Cristiano ay self-centered na Cristiano. Tumanda nga sa iglesya subalit hindi natutuhang magtiwala sa salita ng Diyos. Ang mga prinsipyong ginagamit sa decision making ay mga prinsipyong galing pa rin sa mundo. Ang values system ay binubuo pa rin ng mga pilosopiya ng di-mananampalataya. Lumapit ka man sa kanya sa loob ng kapilya ay hindi mo man lamang matanaw si Cristo sa kanyang kalooban. Hindi na siya kailangang paglalangan ng kaaway sapagkat napaglalangan na niya ang kaniyang sarili. Samakatuwid, ang self-righteous na Cristiano ay self-centered na Cristiano na self-deceived na Cristiano.

Mayroon ba kayong kakilala sa Facebook na matagal ng Cristiano busy dati subalit nawalan na nang ganang maglingkod sa Diyos, lagi na lamang sariling buhay sa mundo ang pino-post, tapos paminsan-minsan nag-ko-quote ng Scripture?

Nakakalungkot.