Hello, minamahal na mga readers. Inaasahan ko na nasa mabuti kayong kalagayan. At kung may problema man kayo, huwag sana ninyong isipin na mas mabuti pang magunaw na ang mundo. Kasi mandadamay pa kayo nang ibang tao. May solusyon ang mga problema. Dapat lang nating pagbulay-bulayan ang mga bumabagabag sa ating damdamin. In da meantime, relax muna at kukuwentuhan ko kayo.

Alam ninyo, maraming paraan ang ginagamit ng mga elemento ng impyerno sa pagkakalat ng lagim dito sa ating bayan. Halimbawa, ginagamit ng demonyang nagpapanggap na White Lady ang pananakot at paninindak. Ang kaba ng dibdib ng kanyang binibiktima ay nagsisilbing parang gatas na nagpapalusog at lalong nagpapaputi sa kanya. Samantala, ang nagre-recharge naman ng baterya ng demonyong si Bulong ay galit at ngitngit. Ang demonyong si Anino naman ay kakaiba. Ispiritwal ang dating. Ang gimik n’ya ay ang prayer chain. Ito ang kanyang paraan upang ang mga mata ng mga desperadong Cristiano ay malayo kay Cristo. Alam niya na si Cristo lamang ang may kapangyarihan na makarinig ng sabay-sabay at patong-patong na daing at panalangin ng lahat ng Pilipino. Alam din niya na si Cristo lamang ang nakakaalam kung ano ang tunay na pangangailangan ng mga nagdurusa. At si Cristo lamang ang makapagbibigay sa kanila ng ginhawa. Sa katunayan, ang mga hinagpis at desperasyon na nagmumula sa mga prayer chain ay nagsisilbing katas na hinihigop ni Anino upang siya ay lalong lumakas at umitim pa.

Subalit, bakit napakatahimik sa lungga nila Anino, Lady, at iba pa nilang katropa? Pati si Bulong ay tahimik – isang di-kapanipaniwalang eksena – tulad ng isang tahanan na walang pumuputak na inahin o tandang. Hindi talaga nila ma-get kung bakit hindi nila masiraan ng loob, matakot o mapatakbo ang isang pastor na sa pakiwari nila ay puro porma ngunit wala namang ibuga. Tulala ang mga gaping demonyo’t demonya nang biglang lumamig ang simoy ng naglalagab-labang apoy sa paligid ng kanilang lungga.

“Mga wala kayong silbi, mga hayop kayo!” ang bungad ni Gayuma, ang manager ng kanilang division. “Naturingan pa kayong demonyo, eh wala naman pala kayong kayang takutin kundi mga bata!”

“Ma’m, kasi naman may mga umaalalay kay Pastor Edong na mga maskuladong puting anghel,” ang excuse ni Anino. “Oo nga, Ma’m, nakakasilaw pa sila,” ang banat naman ni Lady.

“Shut up!” puro kayo excuse. “Eh, ikaw naman Bulong, ano ang masasabi mo?” ang tanong ni Ma’m Gayuma sa wala pa ring kibo. “Hoy, wag ka ngang parang tanga dyan.”

Sa wakas, nabuhayan ng loob si Bulong. “Opo nga, Ma’m, grabe ang alalay ni Pastor Edong. Natameme nga po pati ako.”

Pansumandaling nanahimik si Gayuma. Nag-isip siya ng malalim, “This calls for a new strategy!” ang biglang bulalas ng excitable na manager.

“Ma’m, wag ninyo na kaming spokening england,” ang pakiusap ng isang demonyita. “Wala naman tayo sa US o UK, eh.” Ok, lang ang Tagalog.”

“Shut up!” ang hiyaw ng malapit nang mapunding bosing. “Kaya kayo walang asenso. Pare-pareho kayo. Walang abilidad. Bakit hindi ninyo gayahin yung mga government officials sa Pilipinas? Wala pa sila dito sa impyerno eh, talo pa kayo kung gumawa ng kababalaghan!”

“Hindi pa corrupt silang lahat, Ma’m,” sabi ni Lady. “Marami-rami pa rin ang nakalambitin sa kanilang integridad.”

“Ma’m. Sa palagay ko kailangang samahan n’yo na kami sa susunod na atake kay Pastor Edong,” ang mungkahi naman ng isang talyadang demonyito. “Oo, nga, Ma’m Gayuma, dapat kayo na ang mag-lead ng next operation,” ang sang-ayon ng buong tropa. “Ok,” ang sagot ni Gayuma. “Eto ang plano, makinig kayong mabuti.”

II

Malamyang humihihip ang hanging dalampasigan. Dahan-dahan ang pagbabalse ng mga sanga ng iba’t-ibang uri ng punong pumapaligid sa isang bahay kubo na abot tanaw ang ibayo. Bahagyang sumisilip ang haring araw sa likod ng kabundukan ng Rizal; malinaw pa pagmasdan ang buwan sa bughaw na kalangitan. Subalit, masigla na ang huni at awitan ng mga ibon. Para bagang musikang kasabay ng mataimtim na pananalangin ng isang nalulungkot at nabibigatang pastor.

Si Pastor Edong ay dating malakas mangurakot na BIR agent. Babaero. Sobrang hilig sa good time. Malakas gumastos, lalo na sa pagbili ng droga. Nagbagong-buhay siya nang makilala niya si Cristo nang personal, at nagseminaryo matapos siyang magretiro.

“Oh, Diyos, kahabagan Mo po ang aking bayan.” ang samo ni Pastor Edong. “Natutulog ang Iyong iglesya. Pansariling pangangailangan ang kadalasang inaasikaso ng kanilang mga pinuno. Parami nang parami ang mga jueteng lords at drug lords na nakakapagdikta sa takbo ng gobyerno. Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, gasolina at pamasahe habang ang sahod ng pangkaramiwang manggagawa ay napakababa pa rin. Sobrang dami na ang nauuwi sa pagnanakaw, panloloko, pagbebenta ng kanilang laman at pagtutulak ng shabu,” ang patuloy na hinagpis ng butihing pastor. “Ang mga mayayaman naman ay manhid na sa pangangailangan ng mga mahihirap.” “Panginoon, kaawaan Ninyo lalong-lalo na ang aming mga kabataan.”

Biglang naputol ang pagmumuni-muni ng pastor. Naramdaman niya ang isang presensya ng kadiliman. Napamulat siya at napatingin sa labas ng bintana. Si Anino! Subalit ito ay biglang naglaho. “Me pinaplano na naman ang mga demonyong ito,” ang sumaisip ni Pastor Edong. Nagpatuloy siya sa panalangin. Maliwanag na ang kapaligiran nang muli niyang buksan ang kanyang mga mata.

“Huh!” “Ang gulat ko naman sa ‘yo Isko,” ang sabi ni Pastor sa kanyang matapat ng sidekick.

“Ayoko maabala ang pananalangin n’yo kasi. Kaya dahan-dahan akong pumasok dito sa prayer nipa hut natin,” ang excuse naman ni Isko.

“Bakit ka nasadya dito?” ang tanong ng pastor.

“Eh, kasi po, merong isang babae na nagpunta sa kapilya. Eh, nangangailangan daw siya ng tulong ninyo,” ang paliwanag ni Isko. “Mukhang desperado, po, Pastor. Sabi ko na lang, maghintay siya doon at tatawagin ko kayo.”

“Mukhang emergency case, ba?” ang tanong ng pastor.

“Hindi naman po nakaluwa ang bituka, Pastor. Pwede pa tayo mag-almusal,” ang makulay na paliwanag ng magiting nating supporting actor.

“O, sige, kumain muna tayo para mawala yang pamumutla mo. Magprito ka ng itlog at magpakulo ka ng tubig,” ang utos ng pastor, “at kukunin ko yung baon kong pandesal at kapeng barako.”

III

Si Serina ay kabigha-bighani, mga trenta anyos, at isang single-mom. Siya ay namamasukan sa isang club bilang Guest Relation Officer. Ang pangangatuwiran niya ay gugutumin silang mag-ina kung hindi siya mag-g-GRO. Wala naman daw siyang mapasukang ibang trabaho.

Nasukat agad ni Pastor Edong kung ano ang gawain ni Serina sapagkat may pagka-sexy ang dating ng dilag. Mababa ang neckline ng suot na mini-skirt. Mayroong konting make-up.

“Magandang umaga po, Pastor,” ang bati ni Serina sabay tayo. Matangkad siya.

“Magandang umaga naman. Ano ba ang maipaglilingkod ko sa iyo?” ang tanong ni Pastor Edong. Si Isko naman ay di makapagpigil sa pagtingin sa mapuputing legs ni Serina. Nakonsyus tuloy ang babae.

“Ah, ehhh, may bibilhin nga pala ako, Pastor. Maiwan ko muna kayo. Babalik agad ako,” ang paalam ng nagkakamot ng ulong si Isko.

“Dalian mo lang, ha?” sabi ni Edong. Ayaw sana niyang maiwang kasama ang isang babae sa loob ng kapilya.

Lingid sa kaalaman ng dalawa, may mga pangyayari na nagtulak sa pagsadya ni Serina sa kapilya ni Pastor Edong. Kung baga, hindi biglaan ang pagpunta ni Serina upang hingan ng payo ang pastor.

IV

Balikan natin ang nakaraang gabi. Umistambay tayo sa Club Gardenia kung saan namamasukan ni Serina. Pagmasdan natin ang mga nandodoon at pakinggan natin ang mga usap-usapan ng hindi lamang mga tao kundi ng mga demonyong nagkalat sa lugar na iyon. Mausok, maingay, madilim. Kantahan. Halakhakan. Inuman.

“Ma’m, nakita ninyo yung dirty old man na yun? Sa kalasingan n’yan, hahalikan niya kahit mukhang aswang.” ang dada ni Demonyito. “At yun namang naka-polo-barong, malapit nang maubos ang buong suweldo niya – sa kabibili ng drinks para sa GROng humuhimas ng kanyang hita.” “Ang bobo talaga ng mga lalaking ito!”

Hindi pinansin ni Gayuma ang talyadang kasama. Nilapitan niya si Serina na may katabing costumer. Tinawag ni Gayuma si Bulong. “O, gamitin mo ang talento mo. Bulungan mo ang lalaki na halikan niya si Serina at haplusin niya ang malambot niyang katawan.”

“Sir, huwag ninyo akong puwersahin! Walang bastusan dito,” ang reklamo ni Serina sa pagsugod at pagmamasigasig ng marami nang nainum na costumer.

“Sige, macho ka, di ba?” ang patuloy na pag-uudyok ni Bulong. “May gusto talaga sa iyo ‘yan, nagpapakipot lang. Sigehan mo.”

Sinampal ni Serina ang ayaw tumugil na lalaki. Napahiya ito at gumanti. Sinampal din niya ang nagpupumiglas na GRO. Sa lakas ng sigaw ni Serina, nabulabog ang buong club at tuluyang nagkagulo. Nagbatuhan ng bote at mga silya ang mga lasing – – tulak nang pambubuyo ng mga nakapaligid na demonyo.

Nang nagsialisan na ang mga costumer na hindi pa nagbabayad, naiwan ang mga GRO at ang nag-iinit na manager ng Club Gardenia.

“Ikaw ang may kasalanan ng lahat na ito!” ang bulalas ng manager sabay turo kay Serina. “Bakit ka pa nag-GRO kund hindi mo din lang kaya magpahalik at magpahaplos paminsan-minsan sa mga costumer.” “Umalis ka na nga at huwag ka nang babalik, buwisit!”

Nagulantang si Serina. Hindi nag-aksaya ng panahon si Gayuma at si Bulong. “Dali, bulungan mo na puntahan niya si Pastor Edong bukas na bukas din,” ang utos ni Ma’m.

“Serina, di ba narinig mo ang payo ng mga magulang mo noong isang linggo? Na kailangan mong magbagong-buhay alang-alang sa iyong anak? Puntahan mo bukas yung pastor sa kapilyang malapit sa apartment mo. Mabait yon, at maunawain. Marami siyang maitutulong sa iyo” ang bulong ni Bulong. “Huwag mong sarilinin ang sama ng iyong loob at problema. Puntahan mo si Pastor Edong.”

At yaan ang mga pangyayaring bumabalot sa likod nang pagkasadya ni Serina sa kapilya ni Pastor Edong. Maaaring ang tanong ninyo ay ganito: Naririnig ba talaga ng tao ang mga bulong ng mga demonyo? Ang sagot ay ito: Kung nangyari nga sa buhay ni Serina, eh, bakit hindi ito mangyayari sa buhay ng ibang tao, o sa buhay mo?

V

“Maupo ka,” ang paanyaya ni Edong. “Ano nga ba ang maipaglilingkod ko sa iyo?”

“Nababagabag po ako ng aking konsensya at nahihirapan po ang aking damdamin. Ako, Pastor, ay isang GRO, at ako’y nabuntisan ng isang costumer na aking napusuan” ang paglalahad ni Serina. “Marami na po akong nalokong mga lalaki. Na kuwartahan ko po sila. At ngayon, nais ko na pong magbagong buhay. Ano ang nararapat kong gawin upang matanggap ko ang kapatawaran ng Diyos?”

Habang patuloy na nagsasalaysay ng kanyang malungkot na buhay si Serina, wala siyang kaalam-alam kung anong tukso ang nalalasap ng pastor sa tuwing dahan-dahan siyang magdidi-kuatro. Pansing-pansin ni Pastor Edong ang kagandahan ng kanyang mga binti at hita. Tunay na siya ay kabigha-bighani.

Patuloy ang bulong ni Bulong. “Natatandaan mo pa ba, Pastor, noon na chick boy na chick boy ka? Walang kawala sa iyo ang mga magagandang hostess sa Roxas Boulevard, di ba?” “Nalalasap mo pa ba yung mga pag-iinit ng iyong mga laman at kung paano ka nakatatanggap ng sarap mula sa mga yakap at halik ng mga babae? Malalasap mo ulit yung mga pakiramdam na ‘yon kay Serina.”

Samantala, si Serina naman ang inaasikaso ni Gayuma. Pinalanghap niya sa nagsisising GRO ang aroma ng pang-aakit. Nag-react si Serina sa emosyon na ibinubuga ni Gayuma. Napansin tuloy niya ang kakisigan ng pastor na sa sandaling iyon ay pasulyap-sulyap sa kanyang dibdib at mga legs. Naakit din si Serina.

Tuluyang nawala sa sarili ang dalawa. Bumigay sila sa pita ng kanilang laman. Bigla silang napatayo at nagtagpo ang kanilang nanunuyong mga labi. Naramdaman nila ang init ng kanilang pagnanasa. Humigpit nang husto ang kanilang pagyayakapan at lalong uminit ang kanilang pakiramdam. Halos hindi na sila makahinga sa diin ng kanilang paghahalikan.

“Sa wakas, nahulog din si Pastor Edong!” ang hiyawan ng mga nagpupugay na mga luwa ng impyerno. “Tapos ka ngayon!” “Tapos na ang career mo bilang pastor!”

Biglang natumba ang pulpito sa kapilya! Nagulantang ang dalawa dahil sa lakas ng kalabog nito. Bigla rin nilang naitulak ang isa’t isa!

“Patawarin mo ako,” ang pakiusap ng pastor. “Nawala ako sa aking sarili. Hindi ko malaman kong ano ang dumapo sa akin.”

“Ako rin, pastor, patawad,” ang sabi ni Serina. “Tulad mo, hindi ko maipapaliwanag kong bakit nangyari sa atin ang nangyari. Mabuti pa’y umalis na ako at saka na lang ako babalik.”

“Oo, nga. Palagay ko’y ‘yan na ang pinakamainam nating gawin,” ang sang-ayon ng pastor. “Hanggang sa muli. Sorry talaga.”

Dahan-dahang napawi ang selebrasyon ng mga demonyo dahil sa kanilang napagmasdan. Si Edong! Nakaluhod at nananalangin. At pinaligiran siya ng mga puting anghel. Nagliwanag ang paligid!

“O, Panginoon. Patawad. Wala po akong excuse. Alam ko po ang nangyari at kung bakit ito nangyari. Pansamantala akong nakalimot sa sarili subalit sapat na ang ilang sandaling iyon upang mahulog ako sa kasalanang dating gumapos sa aking pagkatao’t kaluluwa.”

Unti-unting lumuwag ang dibdib ng nagsisising pastor. Nagpatuloy siya sa panalangin.

“Salamat sa Iyong pangako na kapag aking pinagsisihan ang aking kasalanan, Ikaw, O Diyos, ay tapat at magpapatawad sa akin at maglilinis ng aking budhi sa lahat na aking kalikuan. Salamat sa Iyong salita na nagsasabi na kapag lumalaki ang kasalanan, mas lalo namang lumalaki ang Iyong mapagpatawad na biyaya.” Patawarin N’yo po ako, O Diyos, sa ngalan ni Jesus. Amen.

Itinayo ni Pastor Edong ang pulpitong natumba nang walang dahilan. At lumakad siya nang taas-noo. Nakuha pa niyang ngumiti pagkakita niya sa kababalik na Isko.

Nagkatinginan ang mga anak ng diablo. “Teka muna, di ba nanalo tayo? Talo siya, di ba? Eh, bakit kung umasta itong pastor na ito, eh para siyang walang talo?” ang reklamo ni Gayuma.

“Ano ba yan?” ang hirit naman ni Demonyito. “Hindi ko ito maintindihan. Pwede ba paki-explain sa akin. Nanalo tayo, pero, hindi naman natalo si Pastor Edong.” “Hay, ewan! Back to da drawing board na naman tayo.”

Eh, bakit nga ba, dear readers? Bakit nagkasala na si Pastor Edong, eh, bakit siya taas-noo at nakuha pa niyang ngumiti?

Ahh! Yan ang hiwaga ng pagmamahal ng Diyos sa lahat nang nananangan sa Krus ng Kalbaryo. Pagbulay-bulayan natin ang mga talatang ito: Ipinamalas ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa atin nang tayo ay makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin (Roma 5:8). Ang lahat nang na kay Cristo ay hindi na mahahatulan (Roma 8:1).

Hanggang sa muli, dear readers. Huwag kayo basta makikinig sa bulong ng kung sinu-sino, ha? Bye for now.

© Conrad Tolosa, Jr.