Kumusta mga kaibigan? Meron akong incredible story for you. Kung incredible itong si Hulk, mas incredible naman ang nangyari sa ating bida. Palagay ko eto na yung sinasabing the mother of all lagims.

Alam n’yo, dumarating talaga sa buhay ng isang pastor yung ma-depresss’ya tungkol sa kanyang sarili. Sa kanyang kalagayan sa buhay. Kung anong klaseng tao s’ya. At nangyayari nga ito sa ating bida na si Pastor Edong.

Di ba nga, balita na s’ya sa impyerno? Kinalat na nila Anino at White Lady ang tungkol sa kanilang encounter with this spiritual warrior. Kilala na ninyo etong dalawang pangit na nagpapanggap paminsan-minsan na Michael Jackson at Madonna, di ba? Kung hindi pa, basahin n’yo yung una at ikalawang Lagim. Anyway, pinagplanuhan na talaga si Pastor Edong ng buong barkada. Subalit ang ginawa nilang pag-atake ay tunay na hindi inaasahan. Hindi obvious. Hindi predictable. Ang lagim ng mga lagim—that each of us have to face once every so often—eh, nagmumula sa ating sariling kaluluwa. At ito ay alam din ng pinaka-boss ng mga luwa ng impyerno.

Ganito ang pangyayari…

Nanood si Pastor Edong ng sine. Kasama n’ya as usual si Isko, ang kanyang faithful sidekick. “Hulk” ang palabas. Excited ang dalawa. Ini-expect nila ang over the top na visual effects at galing ng directing ni Ang Lee. Needless to say (pero sasabihin ko na rin), bilib si Pastor Edong kay Ang Lee. Lingid sa pansin ng dalawang spiritual warriors napapaligiran na pala sila ng buong barkada nila Michael Jackson at Madonna. Eh, paano nila malalaman eh, tulala na sila sa panonood. Nangyari na ba sa ‘yo yun—yung wala ka nang pakialam sa mundo habang nanonood ka ng TV? Kahit merong kailangang asikasuhin sa bahay o masama ang pakiramdam ng asawa mo, ayaw mong paabala. Wala ka nang sensitivity sa iyong paligid? Ganyan ang nangyari sa ating mga bida—tulala sa panonood ng sine. Bilib na bilib sa visual effects, sa acting ng mga artista, sa editing, not to mention(pero memensyonin ko na rin ) sa directing.

Dahan-dahang lumapit si Bulong sa pastor. Cool na cool ang demonyo. Hindi ito demonyong tulad ng kagalit n’yo. Si Bulong ay genuine na demonyo! Siya yung nasa likuran ng mga espiritista at mga albularyo kapag sila ay nagpepeyt hiling. Hindi ko naman sinasabi na lahat nang bubulong-bulong ay mayroong demonyo sa likuran. Kadalasan, nagrereklamo lang yung tao. Ayaw lang n’ya na may makarinig sa kanya. Lalong-lalo na ang kanyang misis. Pero itong nasa tabi ni Pastor Edong ay ang Real McCoy. At hindi si Ferdinand ang ibig kong sabihin. At eto na po kamo, nagsimula na s’yang bumulong.

“Galing, talaga!” ang sabi ni Pastor Edong, sabay siko sa katabi. Pagka-aray ni Isko at habang nagbabago ang anyo ni Bruce sa pelikula – habang s’ya ay nagbeberde at bumubulko – bigla na lamang may lagim na lumitaw sa harapan ng mga mata ng alaala ng pastor. Isang lalaki na may pusong punong-puno ng galit! Galit na naging ngit-ngit! Ngit-ngit na naging bulkang sumabog! Pwersang humampas sa pisngi ng kanyang maybahay! Isang sampal! Dalawa! Tatlo! Kasabay ang malakas na paghiyaw at pagmumura! Maga ang mukha ng babae nang s’ya ay tigilan ng lalaking nanlilisik pa ang mga mata. Isang malakas na hininga ang ibinuga ni Pastor. Subalit bago makahinto ang paninikip ng kanyang dibdib, isa pang madilim na alaala ang humarap sa kanyang mukha! Lasing nga s’ya noon subalit alam pa rin n’ya na mali at kasalanan ang gahasain n’ya ang dalagita nilang katulong. Naghari na naman ang kanyang galit nang magpumiglas ang kawawang dilag. Isang malakas na suntok sa sikmura ang pinakawalan ng kanang bisig ng malupit na lalaki! Patuloy ang paninikip ng dibdib ng pastor. Patuloy din ang bulong ni Bulong. Namilipit sa sakit ang walang kamuwang-muwang na prubinsyana at tuluyang nawalan na ng loob na lumaban pa sa pangahas at walang pusong ganid.

Humigpit ang hawak ng pastor sa kanyang dibdib. Kasabay noon ang pagbulalas ng halakhak ng mga demonyo! Walang ano-ano ay humarap ang gahamang lalaki sa pastor. Ang lalaking nambugbog ng asawa. Ang lalaking nanggahasa ng menor de edad. At lagim ng mga lagim, ang lalaking ito ay walang iba kundi s’ya. Nagdilim ang kanyang paningin habang patuloy ang pagsisikip ng kanyang dibdib. Lalong lumakas ang tawanan at hiyawan ng mga luwa ng impyerno. Malapit na sanang lagutan ng hininga si Pastor Edong nang biglang nagliwanag ang kanyang paligid. Isang kakaibang nilalang ang lumapit sa pastor at s’ya man ay may binulong sa naghahabol ng hininga. Isang anghel ng liwanag ang nagpaalala sa kanya ng kahulugan ng pagkamatay ng kanyang Panginoon sa krus ng Kalbaryo.

Sinariwa ni Pastor sa kanyang isipan ang ginawa ni Hesus para sa kanya, personally. Na doon sa Golgotha ay pinasan ng Anak ng Diyos ang mga karimarimarim na mga kasalanan ng karumaldumal na lalaking nananahan pa rin sa likuran ng kanyang isipan. Inangking muli ng nag-aagaw buhay na pastor ang kapatawaran ng kanyang mga kasalanan at ang kapayapaang inaalay ng Diyos sa sinumang tatanggap ng Kanyang pagpapatawad—ang kapayapaan na ngayon ay siyang tumatabi at nagpapahinahon sa kanyang galit sa tuwing ito ay magnanais na maghari muli sa kanyang puso.

Lumuwag ang dibdib ni Pastor Edong. Kumaripas ng takbo, hanggang sa maglaho ang mga demonyo nang sila ay balingan ng anghel. Kasabay ng pagpapaalam ng nilalang ng liwanag ang eksenang pagyapos ni Betty kay Bruce. Dahan-dahang nanumbalik sa normal na anyo ang bida sa pelikula. Nanumbalik din ang kapayapaan sa puso ng ating bida sa totoong buhay.

Ibang klase umatake talaga si Bulong. Psychological ang banat n’ya. Ang sandata n’ya ay guilt and shame. Uukilkilin n’ya ang iyong mga nakalipas na kasalanan hanggang sa makunsensya ka at mahiya ka sa iyong sarili. Hindi ba very mentally oppressive ang mga eksperyensyang ito? At ang surprise attack ay bahagi na ng modus operandi ni Bulong.

“Salamat, Pastor at nilibre mo ako dito. Enjoy talaga ako.” Ang sabi ng walang kamalay-malay na sidekick. “Ikaw, Pastor, nag-enjoy ka ba?”

Sarap sanang sipain nitong si Isko. Muntik na nga s’yang mamatay, eh! Ngunit hindi nakuhang magalit ni Edong.

“Walang anuman,” ang reply ng pastor. “Tara, magmirienda muna tayo.”

“Isa kang anghel, Pastor!” ang pabirong tirada ni Isko.

“Kung kilala mo lang ang dating Edong, hindi papasok sa ulo mo yan.” Ang sinariling tugon ni Pastor Edong. “O, ayon. May McDo doon. Bilisan mo.”

Habang papalayo ang mga movie fans sa sinehan, patuloy din ang kanilang mga bulong-bulungan patungkol sa galing ng pagkakagawa ng pelikulang kanilang nasaksihan.

Back to the drawing board naman ang mga pangit ng karimlan.

Ha!? Anong sabi mo, kaibigan? May binubulong ka ba sa akin o may bumubulong sa tabi mo?

Hanggang sa muli, mga minamahal na readers. Manahimik tayong lahat para lumakas ang ating pandinig.

© Conrad Jun Tolosa