Huminto ang jeep. Bumaba si Pilar. Hindi naman s’ya madalas ginagabi. Kaya lang, di na n’ya talaga matanggihan ang paanyaya ni Bert. Sa totoo lang, matagal na n’yang hinihintay na bigyang pansin s’ya nitong bagong kaopisina na may kakisigan at matipuno ang katawan. Hindi rin naman ikahihiya ang porma ng ating bida. Maganda at kabighabighani si Pilar. Bagay na bagay silang dalawa. Maghahapunan lang talaga naman sila pero… alam n’yo na, nagkasarapan sa kwentuhan.

Mga kalahating kilometro ang lalakarin ni Pilar bago n’ya marating ang kanyang tinutuluyan. May kakiputan ang kalye at walang ilaw sa mga poste. Natigilan ang kanyang pagbubulay-bulay tungkol sa kanilang time together ni Bert. Napawi ang kanyang ngiti. Sumaisip ni Pilar na noong isang linggo lamang doon mismo sa lugar na iyon ay may isang matandang babae ang nalapastangan at nanakawan ng pera at cell phone.

“Bakit parang napakatahimik yata ang gabing ito?” ang tanong ni Pilar sa kanyang sarili.

Bumilis ang pintig ng puso ng ating bida! Kasabay ng pagbilis ng kanyang paglakad. Bigla s’yang napahinto! Ano itong nakikita n’ya sa kanyang harapan? Isang babaeng nakaputi! Nakatayo subalit ang mga paa ay hindi nakasayad sa lupa! Nakalutang s’ya sa hangin. Nakangiti s’ya at matalas ang kanyang pagkatitig kay Pilar. At ngayon ay nagbibigay hudyat sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay at mga daliri na para bagang nagsasabing, “Halika dito, lumapit ka sa akin.”

White lady,” ang pabulong na hiyaw ni Pilar. Napaurong s’ya at nais na sana n’yang himatayin nang bigla namang naglaho ang kagilagilalas na pangitaing ito.

“Pilar, si Pastor Edong ‘to at kasama ko si Isko.” Ang dating ng tinig na nagmula sa kanyang likuran.

Dahan-dahang nanumbalik ang kayumangging kulay ni Pilar. Huminga ng malalim ang ating beauty queen.

“Pastor, nakita ko ang white lady!” Ang kanayang bulalas. “Maniwala kayo, Pastor, kitang-kita ng dalawang mata ko.”

“Tara, ihahatid ka na namin ni Isko hanggang sa bahay ninyo.” Ang mungkahi ng butihing manggagawa ng Diyos.

Habang sila ay naglalakad, hindi maiwasan ni Pilar na usisain ang kanyang sarili. “Marami ang nagsasabing nakita nila ang white lady. Ngunit palaging nag-iisa ang nakakita. Guni-guni lang kaya namin ang bagay na ito?”

At dumating sila sa harapan ng bahay na tinutuluyan ni Pilar at ng kanyang room-mate na si Ceny.

“Pastor, mag-pray muna tayo bago kayo umalis,” ang mungkahi ni Pilar. At sila nga ay nanalangin bago tuluyang yumao sina Pastor Edong at ang kanyang sidekick na si Isko.

Bago matulog, naisip ni Pilar na magbasa muna ng Bibliya. Hindi pa rin napapawi ang kanyang takot. Panay pa rin ang tingin n’ya sa kanyang pintuan at bintana. At paminsan-minsan ay sinusulyapan n’ya ang nahihimbing na Ceny sa kabilang panig ng kanilang munting kuarto. Nakaputing pajama si Ceny ng gabing ‘yon.

Nagkaroon lamang ng kapayapaan si Pilar nang basahin n’ya ang mga salita ni Kristo sa aklat ni Juan na nagsasabing, “Nakikinig sa aking tinig ang aking tupa; kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at hindi sila kailanman mapapahamak; walang makakaagaw sa kanila sa aking kamay.” Naging matahimik ang tulog ni Pilar sa buong magdamag na ‘yon sa kabila ng nakatatayong balahibong pangyayaring kanyang naikspiryens.

II.

Lumipas ang isang buwan. Mag-on na si Pilar at Bert. Minsan pa, ginabi ang dalawa sa paghahapunan at pagkwe-kwentuhan. Dahilan sa naibalita naman ni Pilar kay Bert ang ekspiryens niya kay white lady, s’yempre pa ihahatid s’ya ngayon ng magiting nating leading man.

Huminto ang jeep. Bumaba ang dalawa. Magkahawak ang mga kamay. Sweet na sweet. Kaya lang medyo malamig ang kamay ni Pilar.

“Bakit madilim? Ah, naka-schedule nga pala na magba-brown-out ngayong gabi. Mabuti na lang at maliwanag ang buwan. At hindi naman sobra ang tahimik tulad sa horror movies ’pag malapit nang biglang lumabas ang halimaw o si Dracula. May tumatahol pa ngang mga aso sa kalye, bagamat paungol nga lang.” Ang sunod-sunod na pangangatwiran ni Pilar sa kanyang sarili.

Alam ni Bert na medyo ninenerbyos si Pilar. Inisip n’yang takutin ang cute n’yang nobya. Si Bert ay isang taong tunay na mapagbiro. “H’wag na lang kaya. Baka ma-bad shot pa ‘ko.” Ngi-ngiti sana si Bert dahil sa kalokohang pumasok sa kanyang kokote nang biglang nanlaki ang kanyang mga mata. “Ang white lady!” Ang sigaw ni Bert.

Lulutang-lutang ang white lady. Para s’yang si Madonna subalit ang nanlilisik na mga mata nito ay walang puti kundi puro itim. At sumilip ang kanyang mga pangil nang tangkain n’yang ngumiti.

“Bert, papalapit s’ya sa atin, anong gagawin natin?” Ang tanong ni Pilar.

“H’wag kang matakot. Nandito ‘ko. Bibilang ako hanggang tatlo. Pagdating ko sa three, takbo tayo!”

“Tri!” Ang bulalas ni Pilar sabay talikod. “Oops, Pastor Edong! Ang white lady!”

Huminto sa paglapit ang mestisang aswang nang makita n’ya si Pastor Edong at si Isko. Di bale na si Isko. Subalit, kilala n’ya si Pastor Edong. Sa katunayan, kilala n’ya at ng lahat ng kanyang mga kabarkada sa impyerno si Pastor Edong. Naikwento pa nga ni Anino ang ingkwentro n’ya dito sa batikang alagad ni Kristo na ito.

Lumuhod si Pastor Edong at nagsimulang manalangin. Nagkikisay si Madonna at nag-umpisang bumalik sa tunay n’yang anyo. Lumabas ang dalawang sungay sa kanyang ulo! Lumaki ang mga mata! Tumulis ang mga pisngi! Kumulubot ang balat! Humaba ang mga kuko! At ang kanyang mga paa ay naging tulad ng sa kabayo! Isang malakas na hangin ang dumaan! Tinangay nito ang demonyo. ‘Sing bilis ng pagbuga ng malakas at malamig na hangin ang paglampas naman nito, dala ang luwa ng impyernong nag-aanyong white lady.

Nakahinga ang magkasintahang Pilar at Bert. Nagkakulay muli si Isko. Si Pastor Edong naman ay biglang sumuntok sa hangin at sumigaw ng, “Praise the Lord!”

Ipinakilala ni Pilar ang kanyang nobyo sa dalawang nakikibaka sa larangan ng digmaang ispiritwal.

“Akala ko, Pastor, kwento lang ang kababalaghang ito, ngunit totoo pala.” Ang sabi ni Bert.

“Alam mo, Bert, lahat ng akala ay mali. Sa katunayan, maraming demonyo ang nag-aanyong white lady. Subalit ang orig nito ay nakakadena pa sa impyerno. At ayon sa Revelation, pakakawalan ito sa takdang panahon. Ewan natin kung kaylan talaga ang araw na ‘yon.” Ang paliwanag ng pastor. “Hanggang sa pag-gunaw ng daigdig, marami pa ang mga kababalaghang mangyayari dito sa ating bayan na magsasabog ng lagim, tulad nitong mga white lady at pagiging senador ng kung sino-sino. Subalit, hindi tayo dapat matakot. Ito ang maipapayo ko sa inyo at sa ating mga readers: Kapag kayo ay nakatagpo ng isang white lady, huwag matakot. Pray lang kayo at magpatuloy sa paglakad. Wala itong magagawa kung hindi kayo magpapakita ng takot sa kanya. Dedmahin n’yo lang.”

Hanggang sa muli, mga kaibigan. “Enjoy your moonlight walk tonight and sweet dreams.”

© Conrad Jun Tolosa